Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

28 Hunyo 2026

Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo At Mga Pagbasa


At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala. (Mateo 10:42)

Unang Pagbasa: 2 Hari 4:8-11.14-16

Minsan, si Eliseo’y nagpunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya’y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na yaon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong lingkod ng Diyos ang taong ito. Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilaw.” 

Nang magbalik si Eliseo, doon siya nagpahinga sa silid na inihanda sa kanya. Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Giezi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?” Sumagot si Giezi, “Wala po siyang anak at matanda na ang asawa.” “Tawagin mo uli,” utos ni Eliseo. Nagbalik ang babae at tumayo sa may pintuan. Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ikaw ay magkakaanak.”

Salmo: Awit 88 

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw 
            ay lagi kong sasambitin!

Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw 
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin, 
ang katapatan mo’y laging sasambitin. 
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan, 
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan! 

Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba, 
sa pagsamba nila’y inaawitan ka 
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila. 
Sa buong maghapon, ikaw’y pinupuri, 
ang katarungan mo’y siyang sinasabi. 

Ang tagumpay namin ay iyong kaloob, 
dahilan sa iyong kagandahang-loob. 
Pagkat pinili mo yaong hari namin, 
kaloob mo ito, Banal ng Israel. 

Ikalawang Pagbasa: Roma 6:3-4.8-11

Mga kapatid: Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay. 

Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya’y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo’y para sa Diyos. 

Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.

Mabuting Balita: Mateo 10:37-42

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol: “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito. 

Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”


Gospel Reflection

Christ-Centered Life


"Many have failed not because they lack the talent but because they lack the purpose."

Nabasa ko ang
quote na ito noong nasa high school pa ako. Sa mga pagkakataong pinanghihinaan ako ng loob at parang gusto ko nang sumuko sa buhay, inuulit-ulit ko ang mga salitang ito sa aking isipan.

Marami sa atin ang nabigo sa kanilang mga pangarap hindi dahil sa kulang tayo sa kakayahan kundi dahil kulang tayo sa mga dahilan. Kulang tayo sa motivation.

Marami sa atin ang mga nagsisikap para sa ating mga pamilya. Ang iba'y para sumikat at makilala. Ang iba nama'y para guminhawa ang buhay at magkapera. Ang iba nama'y para magkaroon ng sense of belongingness at matanggap ng lipunang ginagalawan.

Marami sa atin ang gustong maging mga lingkod ni Kristo. Ito ang dahilan kung bakit marami sa atin ang linggo-linggong nagsisimba. Ang iba'y sumasali sa mga mandated organizations at ministries sa ating mga parokya.

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, hinihimok tayo ni Hesus na na i-reevaluate natin ang ating mga kadahilanan sa ating mga pagsusumikap. Pati na rin ang ating mga priorities sa ating buhay. 

Bakit nga ba tayo naglilingkod? Bakit tayo nagsisimba? Bakit ba natin sinisikap na sumunod sa mga turo at aral ni Hesus? Ano nga ba ang mga dahilan sa likod ng ating mga ginagawa?

Sa mga pagkakataong hindi natin mapagdesisyunan ang ating mga hakbang, itaas natin kay Hesus ang mga dapat nating gawin. Hayaan nating ituro Niya sa atin ang tamang landas. Hayaan nating gabayan tayo ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na taos na panalangin.

Gawin nating sentro ng ating buhay si Hesus. Gawin natin Siyang number one sa ating buhay. Na kung anuman ang ating mga gagawin, gawin natin para sa Kanyang kaluwalhatian at para sa ikapapalaganap ng Kanyang Mabuting Balita at pag-ibig. Hayaan nating Siya ang maging driving force sa lahat ng ating mga pagsusumikap. 

At wala nang higit na dakilang purpose kundi ang Pangalan ni Hesus. To God be all the Glory. 

Panalangin:

O aming Ama, sinasamba Ka namin at ipinagdarangal Ka namin. Ang lahat po ng ito'y nagmula sa Iyo at muli naming ibinabalik sa Iyo.

Turuan Mo po kaming makilala ang Iyong kalooban upang magawa naming tumulad sa mga Salita at halimbawa ng aming Panginoong HesuKristo.

Patuloy po naming idinadalangin ang aming Santo Papa, mga obispo at mga pari. Bigyan po Ninyo sila ng sapat na talino, kakayahan at kalusugan upang patuloy silang maging mga instrumento ng Iyong walang hanggang pag-ibig.

Gabayan din po Ninyo ang mga layko upang makatulong kami sa pagpapalaganap pang lalo ng Iyong Mabuting Balita ng Kaligtasan.

Gamitin Mo po kami, Ama. Sumaamin po nawang lagi ang Banal na Espiritung aming lakas, gabay at pag-asa.

Ang lahat po ng ito at ang lahat ng aming ginagawa sa araw-araw, sa Pangalang banal ng aming Panginoong Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo