Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

24 Mayo 2026

Dakilang Kapistahan ng Pentekostes (A)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa


May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. (Gawa 2:3-4)

Unang Pagbasa: Gawa 2:1-11

Nang sumapit ang araw ng Pentekostes, nagkatipon silang lahat sa isang lugar. At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. 

May mga Judiong buhat sa iba’t ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos. Nang marinig ang ugong na ito, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat sinasalita ng mga alagad ang mga wika nila. Sa kanilang pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba Galileo silang lahat? Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila? Tayo’y mga taga-Partia, mga taga-Media, mga taga-Elam; mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocia, sa Ponto, at sa Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Panfilia, Egipto at sa mga saklaw ng Libia na sakop ng Cirene, at mga nakikipanirahan mula sa Roma, maging mga Judio at mga naakit sa Judaismo. May mga taga-Creta at Arabia pa rito. Paano sila nakapagsasalita sa atin-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos?” 

Salmo: Awit 103

Tugon: Espiritu mo’y suguin, 
            Poon, tana’y ‘yong baguhin!

Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong aking kaluluwa, 
O Panginoong Diyos, kay dakila mong talaga! 
Sa daigdig ikaw, Poon, kay rami ng iyong likha, 
sa dami ng nilikha mo’y nalaganapan ang lupa. 

Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga; 
mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila. 
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik, 
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig. 

Sana ang ‘yong karangala’y manatili kailanman; 
sa lahat ng iyong likha, ang madama’y kagalakan. 
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan, 
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 12:3-7.12-13

Mga kapatid: Hindi masasabi ninuman, “Panginoon si Hesus,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. 

Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat ng taong gumagawa ng mga iyon. 

Ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat. 

Sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. 

Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Mabuting Balita: Juan 20:19-23

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 

Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” 

Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.” 

Gospel Reflection

Buhay sa Espiritu


From time to time, nasasabihan tayo ng magagandang mga bagay tungkol sa ating paglilingkod sa Diyos at sa ating komunidad. Hindi maaalis sa marami sa atin ang ma-flatter sa mga papuring tinatanggap natin mula sa ating mga kasama. Sa kaso ko, standard ang lagi kong sagot:

"Walang ibang magaling kundi ang Diyos. Tayo'y mga instrumento lamang ng Kanyang kabutihan."

Karaniwan ang sagot kong ito subalit ito ang totoo. Hindi ko inaangkin ang aking mga kayang gawin. Ina-attribute ko ang lahat ng aking talent sa kaluwalhatian ng Diyos na pinagmumulan ng lahat. Ako, tayo, ay mga vessel o daluyan lamang nga Kanyang kaluwalhatian. Mga instrumento ng Kanyang Espiritung pinagmumulan ng lahat ng mga biyayang galing sa Diyos. Sabi ng ng isang speaker, ang Holy Spirit ang Giver of all gifts

Sabi nga ng isang Disney songLet It Go, hayaan mong lumaya ang Banal na Espiritu. Matagal na natin Siyang tinanggap nang tayo'y binyagan noong mga sanggol pa tayo-- sa kaso ko, bininyagan ako noong early teens ko. Hayaan nating gumalaw sa atin ang Espiritu ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ganap tayong magiging malaya. Sa pamamagitan nito, makikita ng ating kapwa sa atin ang luwalhati ng Diyos.

Sa unang Pentekostes kung kailan tinanggap ng mga Apostol at ni Birheng Maria ang Espiritu Santo, lumaya sila mula sa takot at pag-aalinlangang nadarama nila. Nagawa nilang magsalita ukol sa Mabuting Balitang hatid ni Hesu-Kristo sa sangkatauhan. At mula nang araw na iyon, ipinalaganap nila sa lahat ng bansa, ayon na rin sa utos ni Hesus, ang kaligtasan.

Nasa atin na ang Espiritu Santo. Pakinggan lamang natin Siya. Gawin natin ang kabutihang ibinubulong Niya sa ating mga puso. Hayaan nating kumilos Siya sa atin. Tanggalin natin ang lahat ng takot. Manalig tayong hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Espiritu Santong palagi nating Gabay at Tagapagpabanal.

Tanda ko pa ang laging sinasabi ng isang elder namin noon. Wala namang dakilang taong nag-umpisang banal o dakila agad. Lahat tayo'y naging makasalanan muna. Lahat tayo'y naging tanga muna. Ang kaibahan lang hinayaan, nilang kumilos ang Espiritu Santo sa kanila. Hinayaan nilang itulak sila Nito sa paggawa ng mga dakilang bagay na nagsimula sa isang maliit na kabutihan.

Panalangin:

O aming Ama, purihin at luwalhatiin Ka ng aming kaluluwa sa pamamagitan ni Hesus at sa paggabay ng Espiritu Santo.

Sumaamin po nawa ang kapayapaang hatid Mo. Kung paanong isinugo Mo po ang Iyong Anak, gayundin naman, batid po naming isinusugo rin po kami ni Hesus upang ipalaganap ang Mabuting Balita. Sa paggabay ng Espiritung Tagapagpabanal, tinatanggap po namin ang misyong ito.

Tangayin po sana namin sa pang-araw-araw naming mga buhay ang pananalig sa Iyong Bugtong na Anak. Ang pananampalatayang ito sana ay magsilbing inspirasyon sa aming kapwang naghahanap ng Diyos sa kanilang mga buhay. Panginoon, batid po naming kami'y makasalanan at hindi karapat-dapat sa Inyong awa at pagtitiwala subalit nananalig po kaming kami'y sinagip na ng kamatayan ni Hesus sa krus.

O aming Ama, alay namin sa iyo ang aming mga puso. Gamitin mo po ito sa Iyong ikaluluwalhati. Amen. 

Post/s ng Nakaraang Linggo