Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa
Unang Pagbasa: Zacarias 9:9-10
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Sion, magalak ka at magdiwang! Umawit ka nang malakas, O Jerusalem! Pagkat ang hari mo ay dumarating na, mapagwagi at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya at nakasakay sa isang bisirong asno. Ipaaalis niya ang mga karuwahe sa Efraim, gayon din ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Babaliin niya ang mga panudla ng mandirigma at paiiralin ang pagkakasundo ng lahat ng bansa. Ang hangganan ng kaharian niya’y dagat magkabila, mula sa Eufrates hanggang dulo ng daigdig.”
Salmo: Awit 144
Tugon: Diyos ko at aking Hari,
pupurihin kitang lagi!
Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi’t pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:9.11-13
Mga kapatid: Hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo.
Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo.
Mabuting Balita: Mateo 11:25-30
Noong panahong iyo’y sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.
Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Gospel Reflection
Hindi ko maiwasang mapaisip kapag nakakakita ako ng natutunaw na kandila. Naroong madalas na mapapatigil pa ako. Lalo na kapag napagmamasdan ko ang mga luha ng kandila na gumagapang sa kinapapatungan nito. Walang direksyon. Hindi tiyak ang paroroonan.
Landasin Ng Luha

Ganoon ang buhay ko noon. Siguro safe na sabihing minsan dumarating sa buhay nating lahat ang puntong parang hindi natin alam kung saan tayo pupunta. Para tayong isang bangkang walang layag habang nasa gitna ng dagat. Walang tiyak na pupuntahan.
At minsan, hindi na natin alam kung ano ang gagawin natin. Parang gusto na nating sumuko dahil sa dami ng ating mga problema. Para bang hindi na natin kakayanin ang bigat ng ating mga dalahin. Hindi na natin alam kung saan pa huhugot ng kinakailangang lakas para magpatuloy. Nakakapagod na. Nakakapanghina.
Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ni Hesus na lumapit sa Kanya. Inaalok Niya tayo ng isang pag-ibig na hindi magmamaliw. Para Siyang isang binatang nanliligaw sa isang dalaga. Kalakip ng Kanyang paanyaya ang forever-- isang buhay na walang hanggan. Subalit kaiba ito sa mga pangako nating mga tao na "meant to be broken". Tapat Siya sa Kanyang mga Salita. Ang Salita Niya'y katotohanan.
Hanggang kailan natin babalewalain ang Kanyang inaalok na kapahingahan at kapayapaan? Hanggang kailan natin ipagkikibit-balikat ang Kanyang mga Salita? Habang pinagmamasdan natin ang mga landas ng mga luha ng kandila, pagnilayan natin ang buhay nating malayo sa Grasya ng Diyos. Ano ang halaga ng lahat ng ito kung wala Siya?
Panalangin:
O aming Ama, ang aming puso't buong buhay ay ipinagkakaloob namin sa Iyo. Sa Iyong hindi napapagod na alalayan kami sa bawat pagsubok na dumarating sa aming mga buhay. Patuloy Mo po kaming inuunawa sa aming mga pagkukulang at mga kasalanan. Palagi pong bukas ang Iyong mga bisig. Laging handang tanggapin ang mga tulad naming nais na magbalik-loob sa Iyo.
Lubha na pong laganap ang kahirapan sa mundo. Tulungan Mo po kaming makakuha ng panibagong lakas sa mga Salita ng Iyong Anak na patuloy na nag-aanyaya sa aming tanggapin ang kapahingahang Siya lamang ang maaaring makapagkaloob. Kamtin po sana namin ang kapayapaan sa Kanyang piling.
Panginoon yakapin po sana kami ng Banal na Espiritu upang mapalis ang lamig na aming nadarama. Tunawin nawa Niya ang lahat ng galit, inggit at pag-aalinlangan sa aming mga pusong patuloy naming inilalayo kay Hesus.
O Ama, ang lahat ay ipinagkakatiwala po namin sa Inyong mga kamay, sa pamamagitan ni Hesus kasama ng Espiritu Santo. Amen.