Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

26 Hulyo 2026

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa


Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. ” (Mateo 10:31)

Unang Pagbasa: 1 Hari 3:5.7-12

Noong mga araw na iyon, ang Panginoo’y napakita kay Solomon sa panaginip. “Ano ang ibig mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya. 

Sumagot si Solomon, “Panginoon, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, bagaman ako’y bata pa’t walang karanasan. Pinapamuno mo ako sa iyong bayan, sa bayang ito na hindi na mabilang sa dami. 

Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling. Sapagkat sino ang maaaring maghari sa bayan mong ito na napakalaki?” 

Ikinalugod ng Panginoon ang hiling ni Solomon. Kaya’t sinabi sa kanya, “Yamang hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo’y pagkaunawa at katalinuhang humatol, ipinagkakaloob ko sa iyo ang hiniling mo. Binibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna, maging sa mga susunod pa sa iyo.”

Salmo: Awit 118 

Tugon: Iniibig ko nang lubos 
            tanang utos mo, Poong D’yos!

Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay, 
kaya ako’y nangangakong susundin ang kautusan. 
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan, 
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. 

Aliwin mo sana ako niyang pagibig mong lubos, 
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod. 
Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, 
ang lubos kong kasiyaha’y nasa iyong kautusan. 

Mahigit pa kaysa ginto, pag-ibig ko sa ‘yong aral, 
mahigit pa kaysa gintong binuli at dinalisay. 
Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod, 
pagkat ako’y namumuhi sa anumang gawang buktot. 

Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo, 
iya’y aking iingata’t susundin nang buong puso. 
Ang liwanag ng turo mo’y nagsisilbing isang tanglaw, 
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan. 

Ikalawang Pagbasa: Roma 8:28-30

Mga kapatid: 

Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti. 

Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito’y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayon, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan. 

Mabuting Balita: Mateo 13:44-52

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ang Paghahari ng Diyos ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao at tinabunan uli. Sa laki ng tuwa, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon. 

Gayundin naman, ang Paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang mangangalakal na naghahanap ng mamahaling perlas. Nang makakita ng isang perlas na napakahalaga, siya’y humayo at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. 

Ang Paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukurin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. 

Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin. 

Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Hesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan.” 


Gospel Reflection

Want The Latest Gadgets?


I-Phone o Samsung na latest model? Latest na high-ends na mga gadgets? Ipokrito ka kung sasabihin mong ayaw mo nito. O baka naman low tech ka? O baka napag-iiwanan na ng panahon?

Puwede ring iba naman ang gusto mo. Magarang bahay o mansyon o condominium? O mapormang luxury cars? O baka gusto mong sumikat? O magkaroon ng kapangyarihan sa gobyerno?

Aminin man natin o hindi, ang mga bagay na ito ang sukatan ng mundo. Hahangaan ka ng marami kapag nasa iyo ang mga bagay na ito. Ganito ka-materialistic ang mundo. Hindi nga ba't kapag may mga bago tayong gamit ay lagi natin itong kinukunan ng picture upang i-post sa facebook?

Ipinapaalala ng Ebanghelyo natin ngayong Linggo na may mas mahalaga pa sa mga materyal na bagay na naluluma, nasisira at nananakaw. Inihalintulad ni Hesus ang Kaharian ng Diyos sa isang perlas, sa kayamanan at sa lambat. Para sa ating mga  Katoliko, dapat na higit na mahalaga ang Kaharian ng Diyos kumpara sa mga latest gadgets. Hindi natin ito dapat na ipagpalit sa kahit na anupamang bagay.

Natutuwa nga ako kapag nakakakuwentuhan ko ang ilang elders ng community namin. Marami sa kanila ang kapos sa buhay subalit makikita mo sa kanila ang kaligayahan habang umaasa sa awa ng Diyos. Wala sa kanila ang mga materyal na bagay subalit makikita sa kanila ang higit na mahahalaga sa buhay. Kapayapaan. Kakuntentuhan. Kapahingahan. Kabuluhan. Kahulugan. Direksyon. At hindi nila ipagpapalit ang mga bagay na ito.

Marami sa atin ang nagsisikap na magtrabaho sa araw-araw upang kamtin natin ang maraming mga bagay. Hindi ko sinasabing mali ito. Katunayan, saludo ako sa mga taong tulad nila. Pero huwag sana nating kalimutang magsimba kapag araw ng Linggo. O magdasal bago tayo kumain o matulog. Lagi sana nating tandaang may Diyos na patuloy na nagmamahal sa atin.

Latest gadgets o ang Kaharian ng Diyos? Kung latest gadgets ang pinili natin, pagnilayan natin ang buhay natin ngayon. Baka masyado na tayong absorbed ng pagka-materialistic ng mundo. Baka nakakalimutan na natin ang Diyos.

Mag-ingat! Baka kalimutan din tayo ni Hesus sa wakas ng panahon. Sa panahong iyon, tayo'y tulad ng mga isdang nahuli ng isang lambat. Paghihiwalayin ang mabuti at ang masama. Titipunin ang mabubuti at itatapon sa apoy ang mga makasalanan.

Panalangin:

O aming Amang Diyos, sumaamin nawa ang Iyong kaharian. Ang aming puso'y patuloy na sumasamba sa Iyo. Hindi man po kami karapat-dapat sa Iyong kaluwalhatian dahil sa aming mga kasalanan, naninikluhod po kaming linisin Mo po kami sa pamamagitan ng mapagsagip Mong pag-ibig.

Ang kaligtasang kaloob ni Hesus ay katulad ng isang kayamanan at ng isang mahalagang  perlas, palagian po sana namin itong pahalagahan. Maramdaman po sana namin ang Kanyang pag-ibig sa Sakripisyo ng Banal na Misa. Makihati po sana kaming lagi sa Kanyang piging. Sa paghahati ng Tinapay at sa pag-aalay ng Alak. Ang Kanyang tunay na Katawan at Dugong inihandog para sa amin.

O aming Ama, pinasasalamatan po namin ang lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo sa araw-araw. Batid po naming hindi Mo po kami kailanman pinababayaan. Salamat po sa Inyong kabutihang walang hanggan. Palagian Mo pong pagharian ang aming buhay. Ariin Mo po itong handog para sa Iyong kaluwalhatian.

Ang lahat ay itinataas namin sa matamis na pangalan ni Hesus, ang Bugtong mong Anak, na nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo