Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

30 Agosto 2026

Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa


“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." (Mateo 16:24)

Unang Pagbasa: Jeremias 20:7-9

Panginoon, ako’y iyong hinikayat, at sumunod naman  ako. Higit kang malakas kaysa akin at ikaw ay nagwagi. Pinagtatawanan ako ng balana; maghapon silang nagtatawa dahil sa akin. Tuwing ako’y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkasira!” Pinagtatawanan nila ako’t inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita. Ngunit kung sabihin kong, “Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan,” para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto. Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.

Salmo: Awit 62

Tugon: Aking kinasasabikan, 
            Panginoon, ikaw lamang!

O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap. 
Ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad; 
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. 

Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal, 
Ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan. 
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay, 
kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang paguukulan.

Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat, 
at ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas. 
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan, 
magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit, 
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit. 
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak, 
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak.  

Ikalawang Pagbasa: Roma 12:1-2

Mga kapatid: Alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugudlugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos – kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.

Mabuting Balita: Mateo 16:21-27

Noong panahong iyon, sinimulang ipaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. 

Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. 

Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?Sapagkat darating ang anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa.”


Gospel Reflection

Pananampalatayang Nagle-Level-Up


Buhat nu'ng bata pa ako, mahilig na akong maglaro ng mga role-playing-games. Ito 'yung klase ng mga larong nagle-level-up ang character mo. Nagkakaroon ng bagong skills sa bawat level-up. Pahirap din ng pahirap ang mga missions sa bawat level ng laro. 

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, iniangat ni Hesus ang level ng pagsunod sa Kanya ng mga apostol. Inihayag Niya sa kanila ang mapait na katotohanan tungkol sa Mesiyas. Na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. 

Hindi matanggap ng mga apostol ang sinabi ni Hesus at naging vocal si Pedro ukol dito, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” 

Matapang si Pedro nang ipahayag niyang si Hesus ang Kristo subalit nag-iba ang tono niya nang pinag-uusapan na ang paghihirap ng Kristo. Katulad ni Pedro at ng mga apostol ang marami sa ating mga katoliko. Matapang tayo at magaling kapag ipinapahayag nating si Hesus ang ating Panginoon. Kapag nariyan na ang pagsasakripisyong kaakibat nito, para tayong mga nababahag ang buntot. Bigla tayong napapaatras. Natatakot tayo.

Malinaw ang sinabi ni Hesus, “kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon."

Ibang level ng pagsunod ang hinihingi sa atin ni Hesus. Siya ang dapat nating first priority. Hindi Siya ikalawa sa ating mga kaibigan o sa ating pamilya o sa ating sarili.

Sa ating paglago bilang mga Kristiyano, dapat ay maging tulad tayo ng character ng isang role-playing-game. Dapat ay nagle-level-up tayo. Dapat umuunlad tayo sa ating pananampalataya.

Maling isipin nating magiging madali ang pagsunod sa ating Panginoon. Huwag nating isiping porke mabuti na tayong mga Katoliko ay hindi na tayo magkakaroon ng mga problema at pagsubok. Dapat nating tandaang habang tumataas ang level natin bilang isang Katoliko, humihirap din ang mga missions at tasks na kailangan nating ma-achieve. Hindi naman puwedeng lagi na lang pambata ang problema natin. Kailangan nating mag-grow. Madapa man tayo, maging aral sana sa atin ang ating mga pagkakamali. Matuto tayo sa ating mga karanasan. Little by little ang ating paglago.

Kaya, level-up na. Pasanin ang ating mga krus at sumunod tayo kay Hesus!

Panalangin:

O aming Ama, hindi man po kami karapat-dapat, itulot Mo pong magawa naming purihin at pasalamatan ka sa araw-araw sa pamamagitan ng aming mga gawa. Ama, ang aming buhay ay nagmula sa Iyo, hayaan Mo pong ibalik namin sa Iyo ang lahat ng biyayang tinatanggap namin mula sa Iyo.

Tulungan po sana kami ng Espiritu Santo na mapasan ang aming krus. Turuan sana Niya kaming sumunod kay Hesus. Sa Kanyang halimbawa ng kabanalan at kababaang-loob. Katulad po sana Niya, magawa rin naming sumunod sa Iyong kalooban.

Bigyan Mo po kami ng lakas upang magawa naming harapin ang mga challenges sa aming mga buhay. Ito man ay sa aming paglilingkod o sa pang-araw-araw naming mga buhay. Angkinin po sana naming personal crosses ang mga ito na nagpapatibay sa amin bilang mga Katoliko.

Ang lahat po ng ito ay itinataas po namin sa Iyo, Ama, sa pangalan ni Hesus na nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo

Catholic Devotional Apps