Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

11 Oktubre 2026

Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Ebanghelyo At Mga Pagbasa 


"Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”
(Mateo 22:14)
Unang Pagbasa: Isaias 25:6-10

Sa Bundok ng Sion, aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa. Gagawa siya ng isang piging para sa lahat na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin. Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa. Lubusan na niyang papawiin ang kamatayan. Papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat; aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.

Kung magkagayon, sasabihin ng lahat: “Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan, ang inaasahan nating magliligtas sa atin. Magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.” Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.

Salmo: Awit 23:1-3. 3-4. 5. 6

Tugon:  Lagi akong mananahan 

           sa bahay ng Poong mahal!

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang. 
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan, 
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan 
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay. 
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan, 
hindi ako matatakot pagka’t ika’y kaagapay; 
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang, 
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan 
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw. 

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan, 
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay; 
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan. 

Ikalawang Pagbasa: Filipos 4:12-14.19-20

Mga kapatid: Naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.

Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin. At buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen. 

Mabuting Balita: Mateo 22:1-14

Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay.

Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lunsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupa’t napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.

Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit-pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamitpangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”


Gospel Reflection

RSVP


Madalas nating mabasa ang acronym na RSVP sa mga invitations ng malalaking handaan. Nangangahulugan itong kailangang mag-confirm ng taong imbitado kung makararating sila sa okasyon.

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, iniimbitahan tayo ng Diyos na dumalo sa isang makalangit na handaang inihanda Niya para sa mga karapat-dapat sa Kaharian Niya. Lagi Niyang ipinaparating ang imbitasyong ito sa maraming paraan. Ginagamit Niya ang ibang tao. Ang media. Ang social media at internet. Nasa atin na kung sasagot tayo sa imbitasyon.

RSVP ang nasabing piging. Kailangan nating i-confirm kung tayo'y dadalo. Sa talinghaga ni Hesus, marami sa mga inimbitahan ang tumangging magpunta sa handaan. Ganu'n din tayo. Marami tayong mga dahilan sa ating pagtanggi sa Diyos. Masyado tayong busy. Marami tayong ibang mga bagay na iniisip.

[Hindi tayo makapagsimba. Ang Misa pa naman ang pinakamataas na anyo ng pagsamba sa Diyos. Ang Misa rin ang nagsisilbing paghahanda natin sa makalangit Niyang piging.]

Isang kasalan ang ating pupuntahan. Sa isang kasalan pinagtitibay ang pag-ibig ng dalawang tao. Ipinapahayag nila ang kanilang commitment sa isa't-isa. Ipinapangako nilang walang makapaghihiwalay sa kanila.

Sa kasalang inihanda ng Ama, si Hesus ang nobyo at ang Simbahan ang nobya. Ipinapahayag natin ang pag-ibig natin sa Diyos na hindi napagod magmahal sa atin. Ikino-commit din natin ang ating mga sarili sa Diyos.

Dapat nating ihanda ang ating mga sarili sa pagtungo sa makalangit na piging. Kung paanong naghahanda tayo para sa isang handaan. Ihahanda natin ang ating isusuot. Pati ang travelling arrangements. Ang mga kakailanganin natin.

RSVP ang okasyon pero hindi sapat na sumagot tayo ng "oo". Kailangang back-up-an natin ito ng mga paghahanda. Kailangan nating kilalanin ang Diyos. Kailangan nating manalig sa Kanya. 

Sa pagsagot natin ng "oo" sa Kanya, ipinapangako nating susundan natin ang mga yapak ni Hesus. Iibigin natin Siya at ang mga iniibig Niya-- ang ating kapwang nangangailangan. Bubuo tayo ng isang love story kasama ang Diyos. Isang love story na magka-climax sa isang makalangit ng piging.

What if mamatay ka ngayon? Handa ka na bang humarap sa piging ng Panginoon?

Panalangin:

Ama, sa aming pakikihati sa Banal na Misa, hayaan Mo pong maging paghahanda ito sa malaking handaang inihanda Mo para sa mga tapat sa Iyo. Sa pamamagitan ng aming pagsisimba at paglilingkod sa Iyo, ipinapahayag namin sa mundo na Ikaw ang aming Diyos. Patuloy Ka naming pinupuri, niluluwalhati at sinasamba. Gawin Mo po kaming karapat-dapat sa aming pakikihati sa Katawan at Dugo ng Iyong Bugtong na Anak.

Ama, makarating po sana ang Iyong kaligtasan sa mga taong hindi pa naaabot ng Mabuting Balita. Tanggapin po sana nila ang Iyong inaalok na buhay na walang hanggan.

Pagharian po sana kami ng Espiritu Santo sa araw-araw naming mga buhay. Sundin po sana naming lagi ang Iyong kalooban. 

Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo

Looking for Catholic Devotional Apps?