Unang Linggo ng Kuwaresma
06 Marso 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 17 Pebrero 2013.)
Noong labindalawang (12) taong gulang ako at nagsisimula pa lang ako bilang miyembro ng Columbian Squires ng San Antonio de Padua sa Malabon, madalas kong marinig sa aming Chief Counsellor ang mga salitang ito:
"Hindi kasalanan ang tukso. Nagiging kasalanan lang ang tukso kapag in-entertain mo sa iyong isip, sinabi mo o ginawa mo. Ang tao ang may desisyon kung magkakasala siya sa pamamagitan ng pagsunod o hindi sa panunukso."
Sa ating ebanghelyo ngayon, masasaksihan natin si Hesus na tatlong ulit na tinukso ng demonyo. Makikita natin dito ang human nature ni Hesus na katulad natin ay sinubukan ring siluin upang magkasala. Sa kabilang banda, makikita rin natin ang pamamaraan ng demonyo para malinlang ang ating Panginoon.
Una, tinutukso tayo ng diyablo sa pamamagitan ng ating mga kahinaan. Sa unang panunukso, sinamantala niya ang gutom ng ating Panginoong Hesus na hindi pa kumakain sa loob ng apatnapung araw. Hinamon niya si Hesus na gawing tinapay ang isang bato.
Ikalawa, gagamitin niya ang lahat ng bagay sa mundo at gagawin niya ang lahat ng paraan para masilaw tayo na magkasala. Ipinakita niya kay Hesus ang lahat ng kaharian sa mundo at pinangakuan ng kapangyarihan at kayamanan kapalit ng pagsamba sa kanya.
Ikatlo, tuso at mapanlinlang ang kanyang panunukso. Tila nasa katwiran ang diyablo sa ikatlo nitong argumento. Ginamit pa niya ang salita ng Diyos upang patunayan ito. At madalas niyang gamitin ang ganitong estilo sa ating panahon. Madalas niyang baluktutin ang katwiran para itama ang ating mga mali.
Ang tatlong panunuksong ito ay sinagot ng ating Panginoon ng mga bersikulo mula sa lumang tipan:
'Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay.' (mula sa Deuteronomio 8:3)
'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.' (mula sa Deuteronomio 6:13)
'Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos!' (mula sa Deuteronomio 6:16)
Salita ng Diyos ang naging sandata ni Hesus upang itaboy ang demonyo. Sa loob ng apatnapung araw, hindi lamang basta nag-ayuno si Hesus. Nakipag-ugnayan din Siya sa ating Amang Diyos at pinalakas Siya ng ugnayang ito.
Ang tukso ay hindi isang kasalanan hanggang sa magdesisyon tayong sundin ang bulong nito. At may kakayahan ang taong magdesisyong huwag magkasala. Freewill ang tawag dito ng kaibigan kong nag-aral ng Philosophy sa San Beda.
Pero hindi sapat ang freewill upang maligtas tayo.
Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman. (Efeso 2:8-9)
Ang Espiritu Santo ang ating nagiging gabay at tagapagpabanal. Hindi sapat ang ating kakayahan at mga kabutihan upang iligtas ang ating sarili. Ang grasya ng Diyos ang nagbibigay sa 'tin ng lakas upang ma-resist ang mga tukso. Mismong ang freewill o ang desisyong pumili kung iibigin natin ang Diyos ay ibinibigay sa atin ni Hesus.
"Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo." (Juan 14:15)
At walang taong hindi nagkasala. Ito ang dahilan kung bakit namatay si Hesus sa Krus-- upang sagipin tayo sa kamatayang dulot ng ating mga pagkakasala.
Panalangin:
O aming Amang makapangyarihan sa lahat, pinupuri Ka namin, niluluwalhati Ka namin, sinasamba Ka namin at pinasasalamatan Ka namin.
Kami po'y nasa unang linggo ng Kuwaresma, apatnapung araw ng paghahanda para sa pagdiriwang ng misteryo paskwal ng Panginoong HesuKristo. Tulungan po Ninyo kaming ihanda ang aming mga sarili upang magawa naming maging karapat-dapat sa Kanyang mapagpalang pagliligtas.
Inaamin po naming kami'y mga makasalanan. Taglay ang kalungkutan ng pagsisisi, muli kaming lumalapit sa Inyong maawaing puso upang hingin ang Inyong kapatawaran.
Ipadala po Ninyo sa amin ang Inyong Banal na Espiritu upang magawa naming labanan ang mga tuksong naglipana sa mundo. Bigyan Mo po kami ng sapat na karunungan upang malaman namin ang tama at mali. Huwag sana kaming maniwala at kumapit sa mga baluktot na katotohanang inaalok ng sanlibutan.
Ang pakikiisa sa Iyo, aming Ama, ang naging bukal ng lakas ng aming Panginoong Hesus upang magawa Niyang itaboy ang mapanuksong Demonyo. Sa aming pakikiisa sa Iyo at kay Hesus, kasama ng Espiritu Santo, inaangkin namin ang lakas at paghihilom na nagmumula sa Iyo. Amen.