Linggo ng Palaspas
10 Abril 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 24 Marso 2013.)
Sabi ng isang facebook post:
A love should not be just words and talk, it must be true love which shows itself in action. Relationships take time and effort, and the best way to give love is to give time. Attention says, " I value you enough to give you my most precious asset- my time." Whenever you give your time, you are making a sacrifice, and sacrifice is the essence of love. You can give without loving, but you cannot love without giving.
Bago dumugo ang ilong natin sa pag-intindi. Isa-isahin natin ang mga bahagi ng fb post na 'to. Una, ang love ay hindi lang puro dada, lagi itong pinatutunayan ng gawa. Ikalawa, ang love ay nagbibigay ng oras para sa minamahal. Kapag nagbibigay ka ng oras ay nagkakaloob ka ng sakripisyo na siyang esensya ng love. Sabi pa, puwede kang magbigay ng hindi ka nagmamahal pero hindi ka puwedeng magmahal nang hindi ka nagbibigay.
Sa Linggong ito, nagbigay-pugay ang maraming tao kay Hesus nang pumasok Siya ng Jerusalem. Kumuha sila ng mga sanga ng palmera. Sumigaw habang sinasalubong si Hesus. "Purihin ang Diyos. Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!"
Masaya ang atmospera ng ating ebanghelyo (sa Unang Bahagi). Ang mga hudyong ito ay tila mga anghel na nagpupuri sa Diyos. Isinisigaw nila ang kabutihan at kaluwalhatian Niya. Para bang gagawin nila ang lahat mailuklok lamang si Hesus sa trono ng kapangyarihan.
Subalit nabago ang lahat ng ito. Parang social media-- biglang nagbago ang trending o ang uso. Ang kaligayahan at kabunyian ng Linggo ng palaspas ay tutungo sa kamatayan ni Hesus sa krus pagkatapos ng limang araw (Ebanghelyo natin sa Ikalawang Bahagi).
Ang mga taong sumigaw ng Hosanna ay ang parehong mga taong sumigaw rin ng mga katagang "ipako Siya sa krus!". Dalawa ang kanilang mukha. Pinuri at kinasuklaman nila si Hesus upang sumabay sa karamihan ng mga tao. Upang sumabay sa kung ano ang uso.
Marami sa atin ang katulad ng mga Israelitang ito. Doble-kara tayo. Para tayong mga maaamong tupa habang nasa simbahan subalit nagbabago ng anyo kapag bumalik na tayo sa ating mga tahanan at mga trabaho. Balik na sa makasalanang pamumuhay. Balik na sa bisyo at masasamang gawi.
Sabi nga ng kuwentong madalas nating marinig sa mga homilies, maamo si Ma'am kapag nasa simbahan. Panay ang yuko at panay ang "amen" pero pagdating sa bahay ay kasinglutong ng balat ng chickenjoy ang mga mura.
Marami sa atin, puro satsat lang. Ang kabanalan ay wala sa puso kundi hanggang nguso lang. Ni hindi man lang makapagbigay ng oras sa pagsisimba. Ni hindi man lang makapag-antanda ng krus bago kumain o matulog.
Papasok na tayo sa mga banal na araw ng Pasyon ni Hesus. Suriin natin ang ating mga sarili. Tunay ba ang ating mga kabutihan. Totoo ba sa puso natin ang ating mga pagsigaw ng "praise the Lord"? O baka hanggang pagpo-post lang tayo ng mga magagandang religious quotes sa ating fb wall?
Sa susunod na pupurihin natin ang Diyos o sasabihin nating mahal natin Siya, itanong muna natin sa sarili natin, totoo ba ako? Weehhhh! 'Di nga!
Panalangin:
O aming Amang makapangyarihan sa lahat, purihin at sambahin ka ng sangkatauhang Iyong nilikha. Ang puso naming nalayo'y ibinabalik namin sa Iyo. Turuan mo po kaming maging totoo sa aming pagtanggap sa pag-ibig Mo.
Gabayan nawa kami ng Iyong Espiritu upang magawa naming lumapit sa Iyo. Bitbit sa aming mga puso ang marubdob na pagsisisi, humihingi kami ng tawad sa lahat ng aming mga kasalanan. Lalo na po sa mga panahong wala sa loob naming binabanggit ang mga papuri sa Iyo. Sa mga panahong plastic at pakitang-tao pag-ibig namin sa Iyo.
Panginoon, tulungan mo po kaming maintindihan at maisapuso ang esensya ng Mahal na Araw. Minsan nang namatay si Hesus sa krus. Maunawaan sana naming parang patuloy namin Siyang sinasaktan habang patuloy kaming namumuhay sa kasalanan. Unti-unti po, sana'y matutunan naming maging katulad Niya.
Sa ngalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.