Pa'no Mag-survive?


Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon
05 Hunyo 2016
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 09 Hunyo 2013.)


 Buhay! Survival!

Sa araw-araw ng buhay natin, marami sa atin ang nakikipagbuno sa mga salitang ito. Ito ang dahilan kung bakit tayo nagtatrabaho sa iba't-ibang paraan. Para matustusan ang ating pagkain, tubig, tirahan, damit, kuryente at marami pang iba. Mayro'n pa ngang ibang kumakapit pa sa patalim para magawa ito.

(Hindi ko sinasabing tama lang gumawa ng mali sa ngalan ng survival. Hindi ako naniniwala na end justifies the means-- na binibigyang-katwiran ng dahilan ang maling paraan.)

Kapag sinabi nating survival, hindi lang ito nangangahulugan ng aktwal na paghinga. Mayroon din tayong tinatawag na social survival at psychological survival. Ito 'yung paghahanap ng kabuluhan ng buhay o ng belongingness. Marami sa atin ang dumaranas nito. Sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta (masyadong mahaba pero sayang ang bawat salita kung puputulin):

“The greatest disease in the West today is not TB or leprosy; it is being unwanted, unloved, and uncared for. We can cure physical diseases with medicine, but the only cure for loneliness, despair, and hopelessness is love. There are many in the world who are dying for a piece of bread but there are many more dying for a little love. The poverty in the West is a different kind of poverty -- it is not only a poverty of loneliness but also of spirituality. There's a hunger for love, as there is a hunger for God.”

Sa ebanghelyo natin ngayon, binuhay ni Hesus ang isang binata. Naawa ang ating panginoon sa ina nitong lubhang nagluluksa sa pagkawala nito. 

Si Hesus ang buhay. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan Niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan Niya. Ang nilikha sa Kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan (Juan 1:3-4).

Maiksi ang buhay ng tao. Marami sa atin ang gumugugol ng ating mga lakas sa pagwo-worry sa kung anu-anong mga bagay. Marami sa atin ang nag-aalala para sa ating survival samantalang malinaw na sinabi ni Hesus, "Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw." (Mateo 6:34)

Sa ating kaabalahan, nalilimutan natin ang ating Diyos. At ang hindi pagtanggap kay Hesus bilang ating manunubos at bukal ng buhay ay katumbas ng pagtanggap sa isang mapait na kapalaran-- kamatayan at kawalan ng pag-asa sa buhay na walang hanggan.

Isa itong katotohanang nalilimutan ng maraming mga katoliko. Nakalulungkot mang isipin pero ito ang totoo.

Muli nating tanggapin si Hesus sa ating buhay. Ang lahat ng ito'y hindi lamang umiikot sa ating pagtatrabaho, pagkain, pag-inom, paglilibang at pagpapahinga upang sa dulo'y humimlay sa libingan ng walang hanggang kadiliman. 

Sana sa hangganan ng ating paglalakbay, makasama natin si Hesus sa buhay na walang hanggan. Nagapi na ni Niya ang kamatayang dulot ng kasalanan nang Siya'y mamatay at mabuhay na muli matapos ang tatlong araw.

Sa susunod na pagkakataong marinig natin ang salitang survival, alalahanin natin ang minsang isinagot ni Pedro kay Hesus, "Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan." (Juan 6:68)

Kanino pa nga ba tayo pupunta samantalang na kay Hesus ang tunay nating survival?

Panalangin:

O Diyos naming Ama, Ikaw ay patuloy po naming pinupuri at sinasamba. Sa Iyo po nangmula ang lahat ng ito at ang lahat ay muli naming ibinabalik sa Iyo.

Niloob Mo pong kami'y muling mapalapit sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong Bugtong na Anak, akayin po sana kami ng Espiritu Santo patungo sa Iyo sa pamamagitan Niya. 

Si Hesus ang katotohan, ang katotohanan at ang aming buhay. 

Ang lahat ng aming mga problema at alalahanin ay inilalagay namin sa Iyong mga mapagpalang kamay. Kalakip ang aming mga pagsisikap, ang kinabukasan ay ipinagkakatiwala namin Sa iyo.

Sa Ngalan ni Hesus. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: