Pre-requisite


Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
12 Hunyo 2016
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 16 Hunyo 2013.)


Isang lalaki ang nagdarasal. Dinadagukan ang kanyang konsensya dahil sa mga kasalanang kanyang ginawa. Halos hindi niya matingnan ang krusipihong nasa harapan niya. Alam niyang ang kasalanan ng mga katulad niya ang dahilan kung bakit napako si Hesus sa krus.

Humihingi siya ng tawad. Naninikluhod. Puno ng pagsisisi ang kanyang pagkatao.

Sa kataimtiman ng kanyang panalangin, nakakita siya ng isang pangitain. 

Naglalakad siya sa kawalan. Katulad ng isang ligaw na kaluluwa, hindi niya alam kung saan siya pupunta. Sa kahabaan ng kanyang paglalakbay, nakakita siya ng pigura ng isang tao. Noong una'y hindi niya masyadong mabanaagan ang tao. Habang nilalapitan niya ito, napansin niyang nakaluhod ito. Maya-maya pa'y nalaman niyang isa itong lalaki.

"Panginoon!" ang nasambit niya nang makilala niya ang lalaking nakaluhod sa kanyang harapan na walang iba kundi si HesuKristo.

"Bakit po kayo nakaluhod?

Sumagot si Hesus, "Kaibigan, patawarin mo ako sa mga kasalanan Ko sa 'yo."

Lahat tayo ay makasalanan. Lahat tayo'y nangangailangan ng kapatawarang mula sa Diyos. Walang exemption sa mga katotohanang ito. 

Noong nag-aaral pa ako, may mga tinatawag na pre-requisite subjects. Ito 'yung mga subjects na kailangan mong kunin at ipasa bago mo kunin ang ibang subjects. Halimbawa, kailangan mong makuha at ipasa ang English 101 bago ka kumuha ng English 102.

Ganito rin ang kapatawarang mula sa Diyos, may pre-requisite din. Walang hanggan ang awa ng Diyos. Hindi Niya tinatanggihan ang isang taong nagsisisi sa kanyang mga kasalanan subalit bago natin makamit ang ganap na kapatawaran, kailangan nating gawin ang isang napakahalagang bagay-- ang magpatawad bago mapatawad.

Binigyang-diin ito ni Hesus nang turuan Niyang manalangin ang kanyang mga alagad. 

"Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan." (Mateo 6:14-15)

Nagkatawang-tao si Hesus hatid ang kapatawarang nagmumula sa Diyos. Tinatanggap ito ng mga tumatanggap sa Mabuting Balitang hatid Niya. Kapatawaran at buhay ang nakakamit ng nananalig sa kanya at nagsasabuhay ng Kanyang Salita.

Sa ating ebanghelyo, isang babae ang literal na sumamba kay Hesus. Parang nakikinita ko lakas ng loob na inipon ng babae sa kanyang dibdib bago man lang makalapit kay Hesus. Naroon ang takot na baka i-reject siya o pagtawanan at lalong laitin ng mga kasalo ni Hesus. Hinarap ng babae ang mga posibilidad na ito. Gano'n siya kadeterminadong ihingi ng tawad ang kanyang mga kasalanan.

At hindi nabigo ang pananalig niya. Nakamit niya ang kapatawaran mula sa Diyos. 

"Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan." (Mateo 7:7)

Sa ating paglalakbay sa ating buhay-pananampalataya, unti-unti nating makikilala si Hesus. Habang lumalalim ang pagkilala at pag-ibig natin sa Kanya, lalo nating nare-realize kung gaano tayo karumi sa Kanyang harapan. Na kailangan natin ang paglilinis na nagmumula lamang sa dugong itinigis Niya sa krus ng Kalbaryo.

At sa paghingi natin ng kapatawaran, alalahanin natin si Hesus na nakaluhod sa ating harapan; inihihingi ng tawad ang mga kasalanang ginawa sa atin ng ating kapwa.

Lagi sana nating namnamin ang mga salita sa dasal na itinuro Ni Hesus sa atin, "at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin." (Mateo 6:12)

Panalangin:

O aming Amang bukal ng walang hanggang pag-ibig, hayaan mong purihin ka at sambahin ng Iyong bayang nagsisisi. Nananalig po kami na muli Mo po kaming tatanggapin kung paano mong tinanggap ang nagsisising bayan ng Niniveh.

Turuan Mo po kaming lumapit sa Sakramento ng Pakikipagkasundo. Magawa sanang ikumpisal ng buong puso ang aming mga kasalanan.

Batid po naming hindi kami karapat-dapt subalit kami po'y nananalig na sa pamamagitan ni Hesus na bukal ng walang hanggang awa, kakamtin namin ang kaligtasang Kanyang hatid. Kulang na kulang po ang kabutihang aming ginagawa subalit hinahayaan po naming punuan mo ng Iyong kabutihan ang aming mga kasalatan.

Turuan mo po kaming magpatawad kung paanong inaasam naming lagi ang kapatawarang mula sa Iyo.

Wala po kaming magagawa kung kami'y malayo sa iyo. Hayaan Mo po kaming kumapit at umasa sa 'yo. Ikaw ang dahilan kung bakit kami naririto sa mundo hayaan mo pong Itaas namin ang Iyong pangalan sa pamamagitan ni Hesus, kasama ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: