Happy Birthday To You

Gospel Reflection

Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
30 Oktubre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 03 Nobyembre 2013.)


Noong mga bata pa tayo, tuwang-tuwa tayo kapag biglang sumindi ang ilaw pagkatapos ng isang brownout sa gabi. Katunayan, kumakanta pa nga tayo ng birthday song bago natin hipan ang kandilang nagsilbing liwanag natin sa dilim.

Noon ay tuwang-tuwa tayo sa liwanag at natatakot sa kadiliman. Kaya nakapagtatakang nang magsilaki tayo at magkaroon ng isip, marami sa atin ang natakot sa liwanag at tuwang-tuwa sa kadiliman.

Natatakot tayo sa liwanag dahil ayaw nating makita ng iba ang ating mga ginagawang kamalian. Natutuwa sa kadiliman dahil nagagawa nitong ikubli ang ating mga kasalanan. Ano nga ba ang ating ginagawa kapag inaakala nating walang nakakakita sa atin? Ano ang ginagawa natin sa kadiliman?

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, dumating ang liwanag ng kaligtasan sa sambahayan ni Zaqueo. Sinikap niyang makita si Hesus. Dahil maliiit siya, umakyat siya sa puno upang makita ang ating Panginoong daraan. Ginawa niya ito kahit na alam Niyang puwede siyang pagtawanan ng ibang tao. Isang makasalanan, sinisikap na makita ang isang Banal? Parang ang hirap paniwalaan?

Ang kanyang pananampalataya'y sinuklian ni Hesus. Tumuloy si Hesus sa bahay niya at kumaing kasalo niya. Katulad ng dapat asahan-- at ganito pa rin ang nangyayari ngayon--marami ang nagtaas ng kilay sa ginawa ni Hesus.

Sabi pa nila: "
Nakikituloy siya sa isang makasalanan."

Ang kaligtasang inaalok ni Hesus ay para sa lahat. Sinumang nais tumanggap nito ay inaanyayahang pasanin ang kanyang krus at sumunod kay Kristo. Dumating ang Anak ng Tao-- ang liwanag ng mundo-- upang hanapin ang mga nawawala at mga nasa kadiliman.

Kung binabasa mo ang blog post na ito, dumating sa iyo ngayon ang kaligtasan dahil ikaw ay anak ng Diyos na sinagip sa pangalan ni Hesus. Nasa sa iyo na kung paano mo tatanggapin ang Mabuting Balita sa Iyong buhay.

At sa pagdating ng liwanag, natapos na ang mahabang blackout sa buhay mo. Kasabay sana nito ay masaya mong kantahin ang iyong birthday song. Isinilang kang muli. Namatay ka sa krus kasama ni Hesus at kasama ka rin Niya sa muli Niyang pagkabuhay. Nagapi ni Hesus ang kamatayan, kasama Niya'y magawa mo rin sanang matalo ang kamatayang kabayaran ng kasalanan.

Happy birthday sa iyo, kaibigan, dahil dumating ngayon sa buhay mo ang kaligtasan.


Panalangin:
 

O aming Ama, kaytagal naming namalagi sa kadiliman. Ngayon pong nasumpungan namin ang liwanag kay Hesus, hayaan Mo pong purihin at sambahin Ka ng aming kaluluwang tumatanaw ng isang malaking utang na loob.

Kami'y naligaw subalit nagkatawang-tao ang Iyong bugtong na Anak upang matapuan kami at muling akayin pabalik sa Iyo. Tulungan po sana kami ng Espiritu Santo na sumunod sa mga halimbawa ng Iyong Anak.

Maraming salamat po sa walang-sawa mong pagtanggap sa amin kahit na po patuloy kaming nagiging mahina. Kahit na po lagi pa rin kaming nadadapa. Salamat po at Ikaw rin po ang gumagawa ng paraan upang magawa naming bumangon at tumahak pabalik sa Iyo.

Hindi man po kami karapat-dapat, idinadalangin namin ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, walang kapagurang nagkakaloob ng kaligatasan sa amin at sa Iyong buong sambahayang umaasa sa Iyo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: