Unang Linggo ng Adbiyento
27 Nobyembre 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 01 Disyembre 2013.)
Ngayong Linggo ang Unang Linggo ng Adbiyento. Pumapasok tayo sa isang bagong taon ng Liturhiya. Ito ang hudyat ng paghahanda natin sa ating pag-alaala sa Pasko ng Kapanganakan ng ating Panginoong HesuKristo.
Nagpapaalala rin ito ng isang tiyak na pangyayari sa hinaharap-- ang Pagbabalik ni Hesus upang hukuman ang mga buhay at mga nangamatay na. Hinihimok tayo ng simbahang paghandaan ito hindi bilang isang nakakatakot na pangyayari kundi bilang isang kapana-panabik na pagdiriwang. Magbubunyi ang mga mataimtim na sumunod sa mga yapak ni Hesus. Magagalak silang mga inusig dahil sa kanilang pananampalataya sa Panginoon.
Sa paanong paraan tayo maghahanda?
Ang Diyos ay pag-ibig. Nilikha Niya ang mundo at ang tao dahil na Kanyang nag-uumapaw na pag-ibig. Hindi ba't iyon din ang dahilan kung bakit tayo may Pasko?
"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya." (Juan 3:16-17)
Kaya marapat lamang na tumugon tayo ng pag-ibig sa pag-ibig Niya. Kung tatanggapin natin ang Diyos ng pag-ibig, dapat din tayong umibig. Hindi ba't pag-ibig ang pinakadakilang Kautusan:
"Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta." (Mateo 22:37-40)
Sabi ng ni Sta. Teresa ng Calcutta, "At the end of our lives we will not be judged by how many diplomas we have received, how much money we have made or how many great things we have done. We will be judged by: I was hungry and you gave me to eat. I was naked and you clothed me. I was homeless and you took me in." (Mateo 25:35)
Kaya pagdating ng katapusan, pag-ibig ang magiging timbangan kung nararapat tayo sa kaluwalhatian at kaligtasang ipagkakaloob ni Hesus. Ang kawalan o kakulangan nito ay mangangahulugan ng walang hanggang kaparusahan sa impiyerno.
Sa panahong ito ng Kapaskuhan-- at sa Kanyang Ikalawang Pagdating-- handa ka na bang tanggapin si Hesus? Paano ka nagmahal? Ibinahagi mo ba ang pag-ibig ng Diyos sa iyong kapwa-tao?
Handa ka na bang magmahal?
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw na nagmahal sa amin ng lubos, Ikaw na nagkaloob ng Iyong Anak na isinilang sa isang sabsaban, purihin Ka at sambahin ng Iyong bayang nananabik sa pagbabalik ni Hesus.
Turuan po sana kami ng Espiritu Santong maging masunuring mga lingkod. Matuluran po sana namin sina San Jose at Mahal na Birheng Maria na naging matatag sa kanilang pagtalima sa Iyong kalooban sa kabila ng mga balakid.
Turuan Mo po kaming maging bukas-palad sa aming kapwang nangangailangan; lalo na po sa mga kapatid naming higit na nangangailangan. Idinadalangin po namin sila. Tulungan Mo po kaming ipadama sa kanila ang tunay na diwa ng Kapaskuhan sa kabila ng kanilang kasalatan.
Itinataas po namin ang lahat ng ito, sa matamis na Pangalan ni Hesus! Maranatha! Halina, Hesus! Halina!