Ika-32 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 10 Nobyembre 2013



Tumalon sa:      Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Unang Pagbasa: 2 Macabeo 7:1-14 

1 Sa isa namang pagkakataon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila'y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Kautusan. 2 Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, "Ano ba ang nais ninyong mangyari sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming mga ninuno!"
               
 3 Nag-alab ang galit ng hari at iniutos na painitin agad ang mga kawa. 4 Samantalang pinaiinit ang mga ito, iniutos niya sa mga berdugo na putulin ang dila ng pangahas na nagsalita, tanggalin ang anit nito at putulin din ang kanyang mga kamay at mga paa sa harapan ng kanyang ina at mga kapatid. 5 Lahat ng iniutos na pagpaparusa ay nagawa na ngunit buhay pa rin siya, kaya't ipinalitson siya ng hari. Nang ang biktima'y inihagis na sa kawa, kumalat ang makapal na usok. Ang ina at ang magkakapatid ay nag-usap-usap para palakasin ang loob ng isa't isa, 6 "Nakatunghay sa atin ang ating Diyos na Panginoon, at kahahabagan niya tayo. Hindi ba't noong si Moises ay nangangaral laban sa mga suwail na tao, kanyang sinabi sa kanyang awit, 'Kahahabagan ng Panginoon ang kanyang mga lingkod.' "
                
7 Nang mamatay ang unang kapatid, binalingan naman ng mga kawal ang ikalawang kapatid para paglaruan. Tinanggal ang buhok at anit nito sa ulo. Pagkatapos, siya ay tinanong, "Alin ang pipiliin mo, kumain ng karneng baboy o isa-isang putulin ang iyong mga paa't kamay?"
                
8 Sumagot ito sa wika ng kanyang mga ninuno, "Hindi ko iyan kakainin anuman ang mangyari!" Kaya't gaya ng una, siya'y pinahirapan hanggang sa mamatay. 9 Ngunit bago namatay, sinabi niya nang malakas sa hari, "Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos."
                
10 Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya'y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay. 11 Ganito ang sinabi niya, "Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko." 12 Pati ang hari at mga tauhan niya'y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.
                
13 Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan. 14 Nang mamamatay na, sinabi nito, "Ako'y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako'y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli."

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 17:1-15 

1 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan,
sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.


2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.


3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.


4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.


5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.


6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.


7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.


8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;


9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,


10 mayayabang magsalita, suwail at matatapang;

11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.


12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
mga batang leon na nakahandang sumagpang.


13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!


14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang,
sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!


15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.


Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
 
Ikalawang Pagbasa: 2 Tesalonica 2:16-3:5

16 Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng hindi nagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. 17 Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang maipahayag ninyo at maisagawa ang lahat ng mabuti.

1 Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at pahalagahan ng lahat, tulad ng ginagawa ninyo. 2 Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong masasama at walang kinikilalang Diyos, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos.
                
3 Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama. 4 Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo.
                
5 Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan na kayo ay mahal ng Diyos at si Cristo ang nagpapatatag sa inyo.

Tumalon sa:      Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
 
Mabuting Balita: Lucas 20:27-38


27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.'  

29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"
                
34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang 'Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.' 38 Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat."

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: