01 Nobyembre 2013
Unang Pagbasa: Pahayag 7:2-14; Salmo: Awit 24:1-6;
Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 3:1-3
Mabuting Balita: Mateo 5:1-12
1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at sila'y tinuruan niya.
3 "Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
4 "Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
5 "Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
6 "Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila'y bubusugin.
7 "Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
8 "Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 "Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 "Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
11 "Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan a nang dahil sa akin.
12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo."
02 Nobyembre 2013
Unang Pagbasa: Karunungan 3:1-9; Salmo: Awit 27:1-14
Ikalawang Pagbasa: Roma 6:3-9
Mabuting Balita: Mateo 25:31-46
31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.'
37 "Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?'
40 "Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.'
41 "Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.'
44 "At sasagot din sila, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?'
45 "At sasabihin sa kanila ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.' 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan."
_________________________________________________________
03 Nobyembre 2013
Ika-31 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Karunungan 11:22-12:2
Salmo: Awit 145:1-14
Ikalawang Pagbasa: 2 Tesalonica 1:11-2:2
Mabuting Balita: Lucas 19:1-10
Gospel Reflection
"Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw." (Lucas 19:9-10)
_________________________________________________________
04 Nobyembre 2013
Pagbasa: Roma 11:29-36; Salmo: Awit 69:30-36
Mabuting Balita: Lucas 14:12-14
12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, "Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga banal."
05 Nobyembre 2013
Pagbasa: Roma 12:5-16; Salmo: Awit 131:1-3
Mabuting Balita: Lucas 14:15-24
15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, "Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!"
16 Sumagot si Jesus, "Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan. 17 Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, 'Halina kayo, handa na ang lahat!' 18 Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, 'Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.' 19 Sinabi naman ng isa, 'Nakabili ako ng limang pares ng kalabaw at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.' 20 Sinabi naman ng isa, 'Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.'
21 "Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, 'Magmadali kang pumunta sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lunsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.' 22 At sinabi ng alipin, 'Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.' 23 Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, 'Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay. 24 Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!'"
06 Nobyembre 2013
Pagbasa: Roma 13:8-10; Salmo: Awit 112:1-9
Mabuting Balita: Lucas 14:25-33
25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 "Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, 'Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.'
31 "O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.
07 Nobyembre 2013
Pagbasa: Roma 14:7-12; Salmo: Awit 27:1-14
Mabuting Balita: Lucas 15:1-10
1 Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, "Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito." 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.
4 "Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!' 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi."
8 "O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!' 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan."
08 Nobyembre 2013
Pagbasa: Roma 15:14-21; Salmo: Awit 98:1-4
Mabuting Balita: Lucas 16:1-8
1 Nagsalita uli si Jesus sa kanyang mga alagad, "May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ariarian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, 'Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.' 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, 'Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.'
5 Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, 'Magkano ang utang mo sa aking amo?' 6 Sumagot ito, 'Isandaang tapayang a langis po.' 'Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu,' sabi ng katiwala. 7 At tinanong naman niya ang isa, 'Ikaw, gaano ang utang mo?' Sumagot ito, 'Isandaang kabang trigo po.' 'Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,' sabi niya. 'Isulat mo, walumpu.' 8 Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito."
09 Nobyembre 2013
Unang Pagbasa: Genesis 28:11-14; Salmo: Awit 84:3-11;
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:9-17
Mabuting Balita: Lucas 19:1-10
1 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3 Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, "Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay."
6 Nagmamadaling bumaba si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," sabi nila.
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses."
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw."
_________________________________________________________
10 Nobyembre 2013
Ika-32 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: 2 Macabeo 7:1-14
Salmo: Awit 17:1-15
Ikalawang Pagbasa: 2 Tesalonica 2:16-3:5
Mabuting Balita: Lucas 20:27-38
Gospel Reflection
"Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat." (Lucas 20:38)
_________________________________________________________
11 Nobyembre 2013
Pagbasa: Karunungan 1:1-7; Salmo: Awit 139:1-10
Mabuting Balita: Lucas 17:1-6
1 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Siguradong darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! 2 Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. 3 Kaya't mag ingat kayo!
"Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. 4 Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, 'Nagsisisi ako,' kailangang patawarin mo siya."
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, 'Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!'
6 Tumugon ang Panginoon, "Kung ang inyong pananampalataya ay maging sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, 'Mabunot ka at matanim sa dagat!' at susundin kayo nito."
12 Nobyembre 2013
Pagbasa: Karunungan 2:23-3:9; Salmo: Awit 34:2-19
Mabuting Balita: Lucas 17:7-10
7 "Sino sa inyo ang magsasabi sa kanyang aliping kagagaling sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, 'Halika, at kumain ka na'? 8 Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, 'Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.' 9 Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? 10 Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, 'Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.'"
13 Nobyembre 2013
Pagbasa: Karunungan 6:1-11; Salmo: Awit 82:3-7
Mabuting Balita: Lucas 17:11-19
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, "Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!"
14 Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, "Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari."
Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.
17 "Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?" tanong ni Jesus. "Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."
14 Nobyembre 2013
Pagbasa: Karunungan 7:22-8:1; Salmo: Awit 119:89-175
Mabuting Balita: Lucas 17:20-25
20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, "Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon. Sapagkat ang totoo'y naghahari na ang Diyos sa inyo."
22 At sinabi niya sa mga alagad, "Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, 'Naroon siya!' o, 'Narito siya!' Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito.
15 Nobyembre 2013
Pagbasa: Karunungan 13:1-9; Salmo: Awit 19:2-5
Mabuting Balita: Lucas 17:26-37
26 Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe. 27 Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
31 "Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35-36 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa."
37 "Saan po, Panginoon?" tanong ng kanyang mga alagad.
Sumagot siya, "Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre."
16 Nobyembre 2013
Pagbasa: Karunungan 18:14-19; Salmo: Awit 205:2-43
Mabuting Balita: Lucas 18:1-8
1 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, "Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lunsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, 'Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.' 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, 'Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.'"
6 At nagpatuloy ang Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?"
_________________________________________________________
17 Nobyembre 2013
Ika-33 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Malakias 3:19-20
Salmo: Awit 98:5-9
Ikalawang Pagbasa: 2 Tesalonica 3:7-12
Mabuting Balita: Lucas 21:5-19
Gospel Reflection
"Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay." (Lucas 21:17-19)
_________________________________________________________
18 Nobyembre 2013
Pagbasa: 1 Macabeo 1:10-64; Salmo: Awit 119:53-158
Mabuting Balita: Lucas 18:35-43
35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico; may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.
37 "Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret," sabi nila sa kanya.
38 At siya'y sumigaw, "Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!" 39 Pinapatigil siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" "Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli," sagot niya.
42 At sinabi ni Jesus, "Mangyayari ang nais mo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."
43 Noon di'y nakakita ang bulag at sumunod kay Jesus na nagpuri sa Diyos. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.
19 Nobyembre 2013
Pagbasa: 2 Macabeo 6:18-31; Salmo: Awit 3:2-8
Mabuting Balita: Lucas 19:1-10
1 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3 Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, "Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay."
6 Nagmamadaling bumaba si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," sabi nila.
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses."
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw."
20 Nobyembre 2013
Pagbasa: 2 Macabeo 7:1-31; Salmo: Awit 17:1-15
Mabuting Balita: Lucas 19:11-28
11 Habang ang mga tao ay nakikinig, isinalaysay din ni Jesus sa kanila ang isa pang talinhaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na magsisimula na ang paghahari ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, "May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang ito'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. a Sinabi niya sa kanila, 'Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.' 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, 'Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.' 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.
"Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, 'Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.' 17 'Magaling,' sagot niya. 'Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lunsod.' 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, 'Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.' 19 At sinabi niya sa alipin, 'Mamamahala ka sa limang lunsod.' 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, 'Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.' 22 Sinagot siya ng hari, 'Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idiniposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.' 24 At sinabi niya sa mga naroon, 'Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.' 25 'Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,' sabi nila. 26 'Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!'"
28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem.
21 Nobyembre 2013
Pagbasa: 1 Macabeo 2:15-29; Salmo: Awit 50:1-15
Mabuting Balita: Lucas 19:41-44
41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, "Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos."
22 Nobyembre 2013
Pagbasa: 1 Macabeo 4:36-59; Salmo: Cronica 29:10-12
Mabuting Balita: Lucas 19:45-48
45 Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, "Nasusulat, 'Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw."
47 Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
23 Nobyembre 2013
Pagbasa: 1 Macabeo 6:1-13; Salmo: Awit 9:2-19
Mabuting Balita: Lucas 20:27-40
27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.' 29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"
34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang 'Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.' 38 Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat."
39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, "Guro, maganda ang sagot ninyo!" 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.
_________________________________________________________
24 Nobyembre 2013
Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Unang Pagbasa: 2 Samuel 5:1-3
Salmo: Awit 122:1-5
Ikalawang Pagbasa: Colosas 1:12-20
Mabuting Balita: Lucas 23:35-43
Gospel Reflection (hindi pa naka-post)
Sumagot si Jesus, "Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso." (Lucas 23:43)
_________________________________________________________
25 Nobyembre 2013
Pagbasa: Daniel 1:1-20; Salmo: Kabataan 3:52-56
Mabuting Balita: Lucas 21:1-14
1 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang may dalang mga handog sa Templo. 2 Nakita rin niya ang isang mahirap na biyudang naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo. 3 Sinabi niya sa mga alagad, "Ang inihandog ng mahirap na biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. 4 Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng labis na sa kanila, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang ikabubuhay."
26 Nobyembre 2013
Pagbasa: Daniel 2:31-45; Salmo: Kabataan 3:57-61
Mabuting Balita: Lucas 21:5-11
5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."
7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"
8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.
27 Nobyembre 2013
Pagbasa: Daniel 5:1-28; Salmo: Kabataan 3:62-67
Mabuting Balita: Lucas 21:12-19
12 "Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay."
28 Nobyembre 2013
Pagbasa: Daniel 6:12-28; Salmo: Kabataan 3:68-74
Mabuting Balita: Lucas 21:20-28
20 "Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila."
25 "Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan."
29 Nobyembre 2013
Pagbasa: Daniel 7:2-14; Salmo: Kabataan 3:75-81
Mabuting Balita: Lucas 21:29-33
29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinhaga, "Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman."
30 Nobyembre 2013
Pagbasa: Roma 10:9-18; Salmo: Awit 19:2-5
Mabuting Balita: Mateo 4:18-22
18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao." 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.
21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.
01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30