Ika-33 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 17 Nobyembre 2013
Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Malakias 3:19-20
19 "Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila," sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 20 "Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 98:5-9
5 Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
6 Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.
7 Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
8 Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
9 Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: 2 Tesalonica 3:7-12
7 Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo. 8 Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. 9 Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan. 10 Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, "Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho."
11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12 Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 21:5-19
5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."
7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"
8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.
12 "Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita