Ikalawang Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay - 27 Abril 2014



Unang Pagbasa: Gawa 2:42-47

42 Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin.

43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang nagagawa sa pamamagitan ng mga apostol, a naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat. 45 Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Salmo: Awit 118:2-4. 13-15. 22-24

2 Ang taga-Israel, bayaang sabihi't kanilang ihayag,
"Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman."

3 Kayong mga pari ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
"Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman."

4 Lahat ng may takot kay Yahweh, dapat magpahayag,
"Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman."

13 Sinalakay ako't halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.

14 Si Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang sigawan sa tolda ng mga hinirang:
"Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!

22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.

23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.

24 O kahanga-hanga ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!

Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 1:3-9

3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buhay na pag-asa. 4 Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sapagkat kayo'y sumasampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang iyan na ihahayag sa katapusan ng panahon.

6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit siya'y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya na kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong a pananampalataya, ang inyong kaligtasan.

Mabuting Balita: Juan 20:19-31

19 Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sumainyo ang kapayapaan! sabi niya. 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. 21 Sinabi na naman ni Jesus, Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo. 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.

24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon!

Sumagot si Tomas, Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa mga sugat na iyon at sa kanyang tagiliran.

26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, Sumainyo ang kapayapaan! 27 At sinabi niya kay Tomas, Tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.

28 Sumagot si Tomas, Panginoon ko at Diyos ko!

29 Sinabi sa kanya ni Jesus, Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.

30 Marami pang himala ang ginawa ni Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: