Paglalakbay Kasama Si Hesus

Ikatlong Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
23 Abril 2023
I-click dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 04 Mayo 2014.)


Nakagawian na naming mag-asawa ang laging bumiyahe papunta sa trabaho at pauwi ng bahay. Sabi nga, sa araw-araw na ginawa ng Diyos; maglalakad kaming mag-asawa papunta sa sakayan ng bus sa Letre, sasakay ng bus hanggang sa istasyon ng LRT, pipila paakyat sa istasyon dahil sa madalas na crowd control, makikipagsiksikan sa pagsakay sa tren, bababa sa istasyong malapit sa trabaho at maglalakad papunta sa clinic. Pagdating ng alas-singko, bibiyahe naman kami pauwi.

Routine na ito. Automatic na kumbaga. 

Habang pinagninilayan ko ang Ebanghelyo natin ngayong linggo, hindi ko maiwasang ihalintulad ang aking sarili sa dalawang alagad na nakasabay ni Hesus sa daan patungong Emmaus. Katulad nila'y lagi rin akong naglalakbay. Laging lumalapit sa akin si Hesus subalit madalas ko Siyang hindi nakikilala. Kailan nga ba lumalapit si Hesus sa ating buhay?

Sa ating kapwang nangangailangan...

Binigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng pakikipagkapwa sa talinghaga ng mabuting Samaritano. Lagi nating naririnig sa mga religious speakers ang bersong "Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan." (Mateo 25:40)

Si Hesus ay nasa ating kapwang nangangailangan. Ang anumang tulong na ating ipinagkaloob sa kanila ay ipinagkaloob natin kay Hesus. 

Sa ating kapwang nagbibigay...

Sa kabilang banda, gumagamit ang Diyos ng ibang tao upang tayo'y tulungan sa ating mga suliranin. Si Hesus ay nasa kaibigan mo nang bigyan ka niya ng magandang payo nang i-break ka ng girlfriend/boyfriend mo. Si Hesus ay nasa mga taong tumulong sa inyo nang masunugan o mabaha kayo, o nang magkaroon ng isang matinding pagsubok ang inyong pamilya.

Minsan, ginagamit pa ng Diyos ang mga taong ni hindi natin inakalang tutulong sa atin. Parang imposible pero magugulat na lang tayo at nagawa itong posible ng Diyos.

Sa Banal na Misa...

"Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo... Ang kopang ito ay ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo." (1 Corinto 11:24, 25)

Ito ang mga salita ni Hesus nang itatag Niya ang Sakramento ng Eukaristiya noong Huwebes ng gabi bago Siya inaresto ng mga kawal.

Inaalala natin ang pag-aalay na ito ni Hesus sa tuwing dadalo tayo sa Banal na Misa. Ang Misa ang itinuturing nating mga Katoliko na pinakamataas na uri ng pagsamba. Sa pagsisimba, hindi lamang natin nakakasama ang Diyos sa Kanyang Salita at sa Eukaristiya, nakikibahagi rin tayo sa Mistikong Katawan ng ating Panginoong Hesus-- ang Simbahang tao.

Sa iba pang mga bagay...

Sa aking kaso, lagi kong itinuturing ang bawat umaga bilang isang bagong simula at isang bagong pag-asang kaloob ng Diyos. Ang maghapon ay pagkakataong ibinigay Niya para sa aking paghahanap-buhay at pagkakataon para ibahagi sa iba ang Mabuting Balita. At ang gabi ay para sa aking pamilya at para sa oras ng pagpapahinga upang magkaroon ng panibagong lakas para sa isa na namang bagong umaga.

Kasama nating lagi si Hesus sa ating paglalakbay sa buhay. Nasaan man tayo. Anuman ang ating ginagawa. Lagi Siyang nagpapaalala sa ating gumawa ng mabuti. Na umiwas tayo sa kasalanan. Lagi Niya tayong ginagabayan sa pang-araw-araw nating mga buhay. Kailangan lang nating makita at makilala ang Kanyang mga gawa.

Tandaan nating iisa lang ang patutunguhan nating lahat at iyon ay ang kamatayan. Sa huling araw, kapag kaharap na natin ang Panginoon, susukatin tayo ayon sa ating mga gawa habang tayo'y naglalakbay patungo sa ating kamatayan. Nakilala ba natin si Hesus habang nagpapatotoo Siya ukol sa Kanyang sarili? O naging bulag at bingi tayo sa Kanyang mga Salita? Tinularan ba natin ang Kanyang mga halimbawa? Isinabuhay ba natin Siya?

Panalangin:

Pinupuri at sinasamba Ka namin, o aming Ama. Ang lahat ng pagbubunyi at pagluwalhati ay handog namin sa Iyo.

Niloob po Ninyong makilala namin si Hesus sa aming paglalakbay sa mundong ibabaw. Turuan Mo po kaming lubusan Siyang makilala upang magawa naming isabuhay ang Kanyang mga turo't aral na gabay namin sa araw-araw.

Makita po sana ng aming kapwa sa pamamagitan namin ang marubdob na pagmamahal sa amin ni Hesus, Iyong Anak, na walang sawang naglingkod sa mga makasalanang tulad namin upang sundin ang Iyong kalooban.

O Ama, batid po naming hindi po kami karapat-dapat sa Iyong pag-ibig. Katulad ng mga apostol, hinihingi po namin ng tawad ang pag-abandona namin kay Hesus sa Kanyang paghihirap. Tunay nga pong kinalimutan namin ang pag-ibig sa aming kapwang nangangailangan. Sila ang mga makabagong Hesus na biktima ng kawalang-hustisya ng mundo.

O aming Ama, salamat po sa mga taong tumutulong sa amin sa araw-araw. Patuloy Mo po silang pagpalain. 

Ang lahat ng ito sa matamis na Pangalan ni Hesus, na lagi naming nakakasama sa paghahati ng Tinapay sa Banal na Misa, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: