Unang Pagbasa: Gawa 1:1-11
1 Mahal kong Teofilo,
Sa aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula 2 hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, ang mga apostol na kanyang hinirang ay pinagbilinan niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 3 Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, maraming ulit siyang nagpakita sa kanila at pinatunayan niyang siya'y talagang buhay. Siya'y nagpakita sa kanila at tinuruan niya tungkol sa paghahari ng Diyos. 4 Samantalang siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, "Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. 5 Si Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di na magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo."
6 Nang muling magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, "Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?"
7 Sumagot si Jesus, "Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. 8 Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig."
9 Pagkasabi nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.
10 Sila'y nakatitig sa langit habang siya'y iniaakyat sa langit. Walang anu-ano'y dalawang lalaking nakaputi ang lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, "Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya."
Salmo: Awit 47:2-3. 6-9
2 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
Pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
3 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat na igalang;
siya'y naghahari sa sangkatauhan.
6 Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
7 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya'y papurihan!
8 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
awita't purihin ng mga nilikha!
9 Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
Ikalawang Pagbasa: Efeso 1:17-23
17 Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na ipagkaloob niya sa inyo ang Espiritu na nagbibigay ng karunungan at nagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat na kapangyarihang kaloob niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon 20 ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Kaya't nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya. 23 Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuno sa lahat ng bagay.
Mabuting Balita: Mateo 28:16-20
16 Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. 18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon."