Maging Mabuting Balita Sa Iba

Gospel Reflection

Ikaanim Na Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
14 Mayo 2023

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 25 Mayo 2014.)


Paminsan-minsan sa pagbabasa natin ng diyaryo o sa panonood natin ng telebisyon, nakakabalita tayo ng mga kuwento tungkol sa mga taong tapat. Nariyan ang mga taxi driver at mga janitor na nagsauli ng malalaking halaga ng pera o ng mamahaling mga gamit.

Nakakatagpo rin tayo ng mga taong gumagawa ng mabuti sa pang-araw-araw nating mga buhay. Nariyan ang mga mamimiling nagsasauli ng sobrang sukli. O mga pasahero sa pampublikong sasakyan na nagpapaupo sa matatanda, buntis o may kapansanan.

Ang mga taong tulad nila ay mga taong hindi lang basta nagpahayag ng mabuting balita kundi sila mismo sa sarili nila ang naging mabuting balita sa iba. Hindi nila kinailangang magsalita ng mahahabang mga mensahe upang magbigay-inspirasyon. Sapat na ang kanilang ginawa upang humipo ng mga pusong gumawa rin ng mabuti sa kapwa.

Hindi sila katulad ng maraming taong puro satsat pero kulang sa gawa. Sabi nga, action speaks louder than words

Maliwanag ang sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Kung mahal talaga natin Siya, patunayan natin. Sundin natin ang Kanyang mga utos. Hindi lang sa salita kundi lalo na sa gawa.

Ibigin natin ang Diyos at ang ating kapwa. Gampanan natin ang mga tungkuling iniatang Niya sa atin. Pasanin ang ating pang-araw-araw na mga krus sa buhay. Walang excuses. Walang exemption

Sa bawat pagkakataon, nasa atin ang desisyon kung tatahak tayo sa kabutihan o sa kasalanan. Sa liwanag o sa kadiliman. Sa tama o sa mali. Kung tayo'y magiging mabuti o masamang balita sa iba.

Iniibig tayo ni Hesus. Alam na natin ito. Maraming beses na Niya itong napatunayan sa atin. Siya ang naunang umibig sa atin kahit na nang hindi pa natin Siya kilala. 

Ang tanong, Iniibig ba natin Siya? Ano'ng kabutihan ang ginawa mo ngayong araw na ito para mapatunayang mahal mo nga Siya?

Panalangin:

Sa paggabay ng Espiritu ng Katotohanan at sa pamamagitan ni Hesus, hayaan Mo po, Ama, na purihin at sambahin Ka ng aming kaluluwang umiibig sa Iyo. Ipinagbubunyi naming lagi ang Iyong Pangalang pinagmumulan ng aming lakas.

Pinasasalamatan po namin ang pag-ibig Mo. Patuloy po sana namin itong maramdaman sa bawat sandali ng aming buhay. Batid po naming nananatili sa amin si Hesus sa lahat ng panahon; sa pagsubok man o sa kagalakan, sa tagumpay man o sa kabiguan. Patuloy nga po kaming ginagabayan ng Iyong Espiritung Banal na sa ami'y nagpapabanal. Turuan po sana Niya kaming laging gumawa ng mabuti; kahit na mahirap at maraming balakid.

Pagpalain po sana Ninyo ang mga taong tumutulong sa mga estrangherong nakakatagpo nila. Maramdaman po sana Nilang hindi sila nagkamali sa pagpili na maging mabuti.

Salamat po sa pag-ibig Mo. Ama, hayaan Mo po sanang makiisa kami sa Inyong kaisahan ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: