Noong mga araw na iyon: Nagpunta si Felipe sa isang lunsod ng Samaria at ipinangaral doon ang Mesiyas.
Nang mabalitaan ng mga tao at makita ang mga kababalaghang ginagawa niya, pinakinggan nilang mabuti ang sinasabi niya. Sapagkat ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong inaalihan nito at sumisigaw habang lumalabas; maraming lumpo at mga pilay ang napagaling. Kaya’t nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.
Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin nila ang mga Samaritano upang sila’y tumanggap din ng Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila’y nabinyagan lamang sa pangalan ng Panginoong Hesus. At ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa kanila at tumanggap sila ng Espiritu Santo.
Salmo: Awit 65
Tugon: Sangkalupaang nilalang,
galak sa Poo’y isigaw!
Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya’y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila: “
Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga.”
Ang lahat sa lupa ika’y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala’y pinupuri nila.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Naging tuyong lupa kahit yaong tubig,
at ang nuno natin ay doon tumawid;
kaya naman tayo’y nagalak nang labis.
Siya’y naghaharing may lakas ang bisig.
Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
at sa inyo’y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
Purihin ang Diyos! Siya’y papurihan,
yamang ang daing ko’y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig n’ya ay aking kinamtan.
Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 3:15-18
Mga pinakamamahal: Idambana ninyo sa inyong puso si Kristong Panginoon. Humanda kayong lagi na magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa. Ngunit maging mahinahon at mapitagan kayo sa inyong pagpapaliwanag. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga umaalipusta at tumutuya sa inyong magandang asal bilang mga lingkod ni Kristo. Higit na mainam ang kayo’y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang loobin ito ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. Sapagkat si Kristo’y namatay para sa inyo. Namatay siya dahil sa kasalanan ng lahat – ang walang kasalanan para sa mga makasalanan – upang iharap kayo sa Diyos. Siya’y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu.
Mabuting Balita: Juan 14:15-21
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Ito’y ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat hindi siya nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya’y sumasainyo at nananahan sa inyo.
Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan. Ngunit ako’y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako at mabubuhay rin kayo. Malalaman ninyo sa araw na yaon na ako’y sumasa-Ama, kayo’y sumasaakin, at ako’y sumasainyo.
Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.”