Ikalawang Linggo ng Adbiyento - 07 Disyembre 2014



‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’ (Marcos 1:3)

Unang Pagbasa:  Isaias 40:1-5.9-11

“Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos. “Aliwin ninyo sila.” Inyong ibalita sa bayang Jerusalem, na hinango ko na sila sa pagka-alipin; pagka’t nagbayad na sila nang ibayo sa pagkakasalang ginawa sa akin. 

May tinig na sumisigaw: 
“Ipaghanda ang Panginoon ng daan sa ilang; isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos. 

Tambakan ang mga lambak, patagin ang mga burol at bundok at pantayin ang mga baku-bakong daan. 

Mahahayag ang kaningningan ng Panginoon at makikita ng lahat. Siya mismo ang nagsabi nito.” 

 “At ikaw, O Jerusalem, mabuting balita ay iyong ihayag; ikaw, Sion, umakyat ka sa tuktok ng bundok. Ikaw ay sumigaw, huwag kang masisindak. Sabihin sa Juda, ‘Narito ang iyong Diyos!’ Dumarating ang Panginoong Makapangyarihan taglay ang gantimpala sa mga hinirang; at tulad ng pastol, yaong kawan niya ay kakalingain, sa sariling bisig yaong mga tupa’y kanyang titipunin; sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, at papatnubayan ang tupang may supling.”

Salmo: Awit 85:9-10. 11-12. 13-14

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, 
           iligtas kami sa dusa!

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita; 
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa, 
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama. 
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas, 
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap. 

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad, 
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap. 
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat, 
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas. 

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay, 
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam; 
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan, 
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan. 

Ikalawang Pagbasa: 2 Pedro 3:8-14

Huwag ninyong kalilimutan ito, mga pinakamamahal: Sa Panginoon, ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos, sapagkat hindi niya nais na kayo’y mapahamak. 

Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na yaon, ang kalangitan ay biglang mapaparam na may nakapangingilabot na ugong. Matutupok ang araw, buwan, at mga bituin, at ang lahat sa lupa ay malalantad. Yamang ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, italaga na ninyo sa kanya ang inyong sarili at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban samantalang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madali ang pagdating ng Araw na iyon – araw ng pagkatupok ng kalangitan at pagkatunaw sa matinding init ng mga bagay na naroon. Ngunit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay tayo ng mga bagong langit at ng bagong lupa na pinaghaharian ng katarungan. 

Kaya nga, mga minamahal, samantalang kayo’y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan. 

Mabuting Balita: Marcos 1:1-8

Ito ang Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na Anak ng Diyos. Nagsimula ito noong matupad ang hula ni Propeta Isaias: 

“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo, ihahanda niya ang iyong daraanan.” Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’” 

At dumating nga sa ilang si Juan, nagbibinyag at nangangaral. Sinabi niya sa mga tao, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan upang makinig. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila’y bininyagan niya sa Ilog Jordan. 

Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulut-pukyutan. Lagi niyang sinasabi sa kanyang pangangaral, “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: