Unang Linggo ng Adbiyento - 30 Nobyembre 2014



Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!” 
(Marcos 13:37)

Unang Pagbasa: Isaias 63:16-17

Ikaw lamang, Panginoon, ang aming pag-asa’t Amang aasahan; tanging ikaw lamang yaong nagliligtas nitong aming buhay. Bakit ba, Panginoon, kami’y tinulutang maligaw ng landas, at ang puso nami’y iyong binayaan na maging matigas? Balikan mo kami, iyong kaawaan, ang mga lingkod mo na tanging iyo lamang. Buksan mo ang langit at ika’y bumaba sa mundong ibabaw, at ang mga bundok kapag nakita ka’y magsisipangatal. Wala pang narinig na Diyos na tulad mo, wala pang nakita ang sinumang tao; Pagkat ikaw lamang ang Diyos na tumulong sa mga lingkod mo na buong tiwalang nanalig sa iyo. Iyong tinatanggap, ang nagsisikap sa mabuting gawa, at ang iyong aral at mga tuntunin ang ginugunita. 

Nagagalit ka na’y tuloy pa rin kami sa pagkakasala, ang ginawa nami’y talagang masama buhat pa nang una. Ang lahat sa ami’y pawang nagkasala, ang aming katulad kahit anong gawin ay duming di hamak. Ang nakakawangki ng sinapit nami’y mga dahong lagas, sa simoy ng hangi’y tinatangay ito at ipinapadpad. Wala kahit isang dumulog sa iyo upang dumalangin, wala kahit isang lumapit sa iyo na tulong ay hingin; kaya naman dahil sa aming sala’y hindi mo kami pinansin. Gayunman, Panginoon, aming nalalamang ika’y aming Ama, kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang lumikha sa amin, Panginoon, at wala nang iba.

Salmo: Awit 80:2-3. 15-16. 18-19

Tugon: Akitin mo, Poong mahal, 
           iligtas kami at tanglawan!

Pastol ng Israel, kami ay pakinggan; 
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan. 
Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap! 

Ika’y manumbalik, O Diyos na dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas, 
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas. 
Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas, 
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas. 

Ang lingkod mong mahal ay iyong ingatan, 
yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang, 
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan! 
At kung magkagayon, magbabalik kami’t di na magtataksil sa ’yo kailanman, kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 1:3-9

Mga kapatid: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo. 

Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sapagka’t sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo’y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na nakikita sa inyo anupa’t hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espiritwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Hesukristo. Kayo’y aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo’y makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesukristong ating Panginoon.

Mabuting Balita: Marcos 13:33-37

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. Katulad nito’y isang taong umalis upang maglakbay sa malayong lupain: ipinababahala ang kanyang tahanan sa mga alipin na binigyan ng kanya-kanyang gawain, at inuutusan ang bantay-pinto na maging laging handa sa kanyang pagdating. Gayon din naman, maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madalingaraw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: