Unang Linggo Ng Kuwaresma
21 Pebrero 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 22 Pebrero 2015.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 22 Pebrero 2015.)
Maraming mga bagay tayong pinaghahandaan sa buhay natin.
Naghahanda ang isang atleta sa nalalapit niyang laban. Maraming oras ang inuubos niya sa pagti-training. Maraming hirap ang dinaraanan niya upang maging handa ang kanyang katawan at isip sa nalalapit na malaking laban.
Ang mga estudyante ay naghahanda para sa nalalapit na exam. Nagpupuyat siya sa pagre-review para mapag-aralang mabuti ang kanyang mga leksyon. Nagsusunog siya ng kilay hanggang sa siya'y maka-graduate.
Mahaba ang preparations ng magkasintahang malapit nang ikasal. Maraming mga detalye ang dapat nilang asikasuhin. Mula sa simbahan, sa reception, guest list, photo and video coverage, entourage, imbitasyon, mga bulaklak at marami pang iba. Ang lahat ng ito para maging close to perfect ang importanteng yugtong ito sa kanilang relasyon.
Apatnapung araw na paghahanda. Ito ang Kuwaresma. Mga araw na ilalaan natin sa lalo pang pagkilala kay Hesus. Lalo pang pagpapatibay ng ating pananampalataya. Lalo pang pagpapalalim ng ating relasyon sa Diyos.
Nagsimula ito sa Miyerkules ng Abo hanggang sa umabot sa climactic na Pasko ng Pagkabuhay.
Binibigyang-diin ng ating Simbahan ang kahalagahan ng pagdarasal, paglilimos at pag-aayuno. Sa pamamagitan ng mga ito, sumusunod tayo sa mga halimbawa ni Hesus. Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, makikita natin si Hesus na nagdasal at nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw bago Niya simulan ang Kanyang ministry.
Sa pananalangin, pinalalalim natin ang personal relationship natin sa Diyos. Sa paglilimos at paglilingkod sa kapwa, inihahayag natin ang pag-ibig natin sa kanila. Sa pag-aayuno at pagsasakripisyo, lumalabas tayo sa ating comfort zone upang makibahagi sa paghihirap ni Hesus sa kalbaryo.
Isinisigaw ng Ebanghelyo ang isang katotohanan: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.”
Kamusta na ang ating buhay? Kamusta na ang relasyon natin sa Diyos?
Sabi ng isang kaibigan ko, pakiramdam daw niya ay hindi pa siya handang magbalik sa Diyos. Pero kung iisipin, wala naman talagang handa sa pagbabalik-loob. Hindi darating ang panahong talagang handa na tayo. Kailan tayo magpupuri sa Diyos, kapag ba lumpo na tayo at hindi na makakilos?
Kung makakatagpo na natin si Hesus ngayon-- ibig sabihin, kung mamamatay tayo ngayon-- napaghandaan na ba natin ang ating pakikihati sa muling pagkabuhay Niya?
Handa ka na ba?
Panalangin:
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, Ikaw na palaging nagmamahal sa amin sa kabila ng aming pagiging masuwayin, sinasamba ka po namin at niluluwalhati kasama ng Iyong mga anghel sa langit.
Loobin po Ninyong makalapit kami sa Inyong Anak, ang Hari ng mga hari. Sa aming pagtanggap sa Kanya, hinahayaan po naming Siya ang maghari sa aming buhay. Siya ang aming Panginoon.
Itulot Mo pong ihanda namin ang aming sarili sa Kuwaresmang ito. Magawa po sana naming makihati sa kaligayahang dulot ng muling pagkabuhay ni Hesus. Batid po naming hindi magiging madali ang lahat sapagkat ang aming Panginoon man ay tinukso rin sa ilang sa lahat ng paraan.
Turuan Mo po kaming maging tulad ng Iyong Anak; sa kababaang-loob at pagiging masunurin.
Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, umibig sa amin sa kabila ng aming pagiging makasalanan, nagpakasakit ay namatay sa krus para sa aming katubusan, muling nabuhay sa ikatlong araw. Ngayo'y naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.