Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayon. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipagusap kay Hesus. (Marcos 9:2-4)
Unang Pagbasa: Genesis 22:1-2.9.10-13.15-18
Noong mga araw na yaon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya. Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria.Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”
Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham, Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”
Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak.
Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisaisa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”
Salmo: Awit 116:10. 15. 16-17. 18-19
Tugon: Sa piling ng Poong mahal,
ako’y laging mamumuhay!
Laging buhay ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagamat ang aking sabi’y, “Ako’y ganap nang nalupig.”
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos.
Yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang ano mang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:31-34
Mga kapatid: Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak? Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Kristo Hesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo’y namamagitan para sa atin.
Mabuting Balita: Marcos 9:2-10
Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayon. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipagusap kay Hesus.
Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagka’t masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama.
At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit silasila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.