Hipon, Lollipop, Bulalo, Buko


Ikatlong Linggo Ng Kuwaresma
07 Marso 2021

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 08 Marso 2015.)


"Alam nating lahat na kung HIPON ka, patapon ang mukha mo pero panalo ang katawan. Kung LOLLIPOP ka naman, patapon ang katawan mo pero panalo ang mukha. Kung patapon na ang mukha pati katawan mo, dapat maging BULALO ka -- panalo ang utak. Pero kung patapon ang katawan, ulo at utak mo, ipagdasal mong ikaw ay isang BUKO, malinis ang kalooban."

Natuwa ako sa facebook post na ito. At marami sa mga fb friends ko ang nag-like ng nasabing post nang i-share ko sa aking wall. At totoo naman ang nasabing post. Dahil sa huli, kumupas man ang kagandahan mo, mawala man ang magandang hugis ng katawan mo, pumurol man ang talino mo, mahalaga pa ring mabuti ang iyong kalooban.

Ang kagandahan naman kasi'y hindi lang naman sa nakikita ng mga mata. Sabi nga nila, true beauty is in the eyes of the Beholder.

sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, masasaksihan natin kung paanong nilinis ni Hesus ang templo. “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” ang bulalas Niya sa mga mangangalakal sa templo.

Maliwanag ang panawagan ni Hesus. Linisin natin ang Templo. Hindi lang ang Simbahang bato ang tinutukoy Niya kundi ang atin ring mga sariling buhay na templo ng Diyos. Pagsisihan at talikuran natin ang ating mga kasalanan.

Habang patuloy ang ating pagninilay sa panahong ito ng Kuwaresma, suriin natin ang ating kalooban. Nasa puso na nga ba natin si Kristo? O baka napatangay na tayo sa agos ng mundo? Sa agos ng makamundong pamumuhay?

Mga templo tayong tahanan ng Diyos. Linisin natin ang ating mga sarili. Hindi ito madaling gawin. Madalas na masakit kapag iniiwan natin ang nakasanayan nating buhay. But we need to focus more on Jesus. Bigyan natin Siya ng oras. Magkaroon tayo ng prayer time. Idalangin nating tulungan tayo ng Espiritu Santong makalapit sa Diyos.

Maging hipon, lollipop, bulalo o none of the above man tayo, sikapin nating maging buko. Linisin natin ang ating kalooban in Jesus' name.

Panalangin:

O aming Ama, Ikaw na nagkaloob sa amin ng buhay na ito, turuan Mo po kaming lumapit sa Iyong Anak na si Hesus. Nagpupuri ang aming kaluluwa sa matamis mong pangalan. Pagsamba at pagluwalhati ang kaloob namin sa Iyo. Ipinagbubunyi po namin ang Iyong kabutihang walang katapusan.

Sa panahong ito ng Kuwaresma, pagnilayan po sana namin ang mga nagaganap sa aming buhay at sa aming mundo. Tulungan po sana kami ng Espiritu Santo na sikaping lalo pang magpakabuti sa pang-araw-araw naming buhay. 

Linisin Mo po kami. Ang aming puso'y hayaan Mong ihandog namin sa Iyo. Kami po sana'y maging Iyong mga buhay na templo. Makita Ka po sana ng aming kapwa sa aming pamumuhay. Turuan Mo po kaming magsikap na tumulad sa halimbawa ng ni Hesus, ang Kordero ng Diyos na lumilinis ng aming mga kasalanan.

Idinadalangin din po namin ang aming simbahan, ang Mistikong Katawan ni Kristo. Patuloy po sanang maging takbuhan ng mga mananampalataya ang aming Simbahan. Tulungan Mo po ang aming Santo Papa, mga obispo at ang kapariang maipagpatuloy ang paglilingkod na sinimulan ni Hesus, ipinasa sa mga apostol at ngayo'y ipinagpapatuloy namin sa aming mga buhay.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, na tumubos sa amin mula sa kamatayan at kasalanan, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: