Ikatlong Linggo ng Kuwaresma - 08 Marso 2015

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” (Juan 2:19)

Unang Pagbasa: Exodus 20:1-3. 7-8. 12-17

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ang inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto at humango sa inyo sa pagkaalipin. 

Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos, maliban sa akin. 
Huwag ninyong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalang Panginoon sapagkat parurusahan ko ang sinumang bumanggit nito nang walang kabuluhan. 
Italaga ninyo sa akin ang Araw ng Pamamahinga. 
Igalang ninyo ang inyong ama’t ina. Sa gayo’y mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinigay ko sa inyo. Huwag kayong papatay. 
Huwag kayong mangangalunya. 
Huwag kayong magnanakaw. 
Huwag kayong sasaksi sa di katotohanan laban sa inyong kapwa. 
Huwag ninyong pag-iimbutan ang sambahayan ng inyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alila, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.” 

Salmo: Awit 19:8. 9. 10. 11

Tugon: Panginoon, iyong taglay 
           ang Salitang bumubuhay!

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang; ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay. Yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan; nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan. 

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos; liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod. Ito’y wagas at matuwid ’pagkat mula ito sa Diyos; pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot. 

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti; isang banal na tungkulin na iiral na parati. Pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan; kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay. 

Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais; higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit. Matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis, kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 1:22-25 

Mga kapatid: 

Ang mga Judio’y humihingi ng kababalaghan bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. Ngunit ang ipinangangaral nami’y si Kristong ipinako sa krus – isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil. Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griego, si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 

Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit kaysa lahat ng karunungan ng tao. At ang inaakala namang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit sa lahat ng kalakasan ng tao.

Mabuting Balita: Juan 2:13-25

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. 

Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at mga namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” 

Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” 

Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?” 

Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus. 

Nang pista ng Paskuwa, nasa Jerusalem si Hesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga kababalaghang ginawa niya. Subalit hindi nagtiwala sa kanila si Hesus, sapagkat kilala niya silang lahat. Hindi na kailangang may magsalita pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas niya ang kalooban ng lahat ng tao.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: