Ikaapat Na Linggo Ng Kuwaresma
14 Marso 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 15 Marso 2015.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 15 Marso 2015.)
Kuwento ng isang pari sa kanyang homily:
Isang lalaki ang nagmamadali dahil malapit na siyang ma-late sa trabaho. Sa pagmamadali, hindi niya napansin ang isang batang tindera. Nabunggo niya ang bata. Kumalat sa daan ang mga paninda nito. Iiwanan sana ng lalaki ang bata pero naawa naman siya rito at naisip niyang kasalanan niya kaya tinulungan niya ito. Pinulot nila ang mga paninda.
Saka lang niya napansing bulag pala ang bata. Lalo siyang nagulat nang tanungin siya nito, "kayo po ba si Hesus?" Hindi nakasagot ang lalaki. Dugtong pa ng batang tindera, "sabi po kasi ni Nanay noong buhay pa siya, isang araw makikita ko si Hesus at tutulungan niya ako."
Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, mababasa natin kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang bugtong na anak upang tayo'y iligtas sa kamatayan.
At hindi lamang pansamantala ang pag-ibig na ito. Ito'y pangwalang-hanggan. Walang kondisyon at walang kapalit.
Ikaw at ako ang dahilan kung bakit nakipamayan sa atin si Hesus. Tayo rin ang dahilan kung bakit Niya ginawa ang lahat ng Kanyang himala. Nagpakasakit Siya para sa atin. Namatay. Muling nabuhay. Umakyat sa langit. Umupo sa kanan ng Ama bilang ating tagapamagitan. Ginawa Niya itong lahat para sa atin.
Katulad ng batang tindera sa ating kuwento, marami sa atin ang naghahanap kay Hesus. Tayo'y mga bulag sa liwanag Niya. Ang hindi natin alam, Siya ay nasa puso lamang natin. Patuloy na kumakatok. Nag-aalok ng pag-ibig na nagtataglay ng walang-hanggang awa.
Marami rin sa atin ang katulad ng lalaki. Masyado tayong nagmamadali at abala sa pang-araw-araw nating mga buhay. Hindi na natin napapansin ang patuloy na pagtawag sa atin ng Diyos. Ginagamit Niya ang ating kapwa upang iparamdam sa atin ang Kanyang pagmamahal.
Hinahamon tayo ng ating Ebanghelyo. Maging instrumento ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Magmahalan tayo gaya ng pag-ibig sa atin ni Hesus.
Ikaw? Ikaw ba si Hesus? Si Hesus ba ang nakikita ng iba sa Iyong pamumuhay?
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw na laging nagmamahal sa amin sa kabila ng aming pagiging mga suwail na anak, hayaan Mo pong sa maliit naming mga paraan, sambahin, luwalhatiin at purihin namin ang Iyong pangalan.
Masumpungan po sana namin ang Iyong pag-ibig. Sa pamamagitan ni Hesus, maramdaman naming hindi Mo kami kailanman pinabayaan. Kasama Ka namin kahit na sa gitna ng mahihirap na pagsubok sa aming buhay.
Patuloy Mo po kaming bigyan ng lakas. Bigyan-kapahingahan Mo po ang aming mga pusong pagod. Ikaw po ang aming pag-asa. Ikaw ang aming Panginoon. Tulungan Mo po kaming sumampalataya sa Iyo.
Ama, pinasasalamatan Ka po namin sa pagkakaloob Ninyo sa amin ng Inyong Mahal na Anak. Sa pamamagitan po sana Niya, kamtin namin ang Iyong kaharian sa buhay na 'to. Tulungan po sana Ninyo kaming maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa piling ng Iyong kaluwalhatian.
Ang lahat ng ito, sa pangalan ni Hesus, ang Kordero ng Diyos na tumubos sa aming mga kasalanan, ang Daan, ang Katotohanan at Buhay, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.