Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon
16 Mayo 2021
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 17 Mayo 2015.)
Sabi ng isang pari sa isang seminar:
Sa isang karerang relay, tatakbo ang bawat miyembro ng isang team. Ipinapasa nila sa ka-team na susunod na tatakbo ang baton hanggang sa ang lahat ng member ng team ay makatakbo at makaabot sa finish line.
Passing the baton. Ganito ang mandato ng misyon.
Sa pag-akyat ni Hesus sa langit, iiwan na Niya ang Kanyang mga apostol pero bago ito, iniwan nila sa kanila ang mandato ng kanilang misyon.
"Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal."
At ang bawat isa sa atin ay tumatanggap ng mandatong ito. Mula sa mga apostol patungo sa mga sumunod sa kanila hanggang sa mga Kristiyano sa ating panahon, iisa ang ating misyon at ito ay ang ipakalat ang Mabuting Balita.
Umakyat sa langit si Hesus at umupo sa kanan ng Ama. Kasama natin ang Banal na Espiritu na aalalahanin natin sa darating na Pentekostes sa susunod na linggo.
Tayo'y patuloy na tinatawag ni Hesus na ibahagi sa iba ang Kanyang pag-ibig at kaligtasan. Nasa mga kamay natin ngayon ang baton. Nasa mga kamay natin ang pagpapatuloy ng karera ng misyon hanggang sa dumating tayo sa finish line. Sa pagbabalik na muli ng ating Panginoon sa wakas ng panahon.
Mission mandate. Go. Teach. Baptize. Magpahayag ng Salita ng diyos. Manalangin. Magbahagi sa iba.
Nasa mga kamay natin ngayon ang mandato ng misyong iniwan ni Hesus bago Siya umakyat sa langit. Paano Mo tinatakbo ang karera ng buhay at pananampalataya?
Panalangin:
O aming Ama, ngayo'y kasama Mo ang aming Panginoong Hesus, patuloy na naghahari at nagmamahal sa amin, pagsamba, papuri at pagluwalhati ang kaloob namin sa Inyo.
Ama, tinatanggap namin ang utos ng Iyong Anak na ipahayag sa buong mundo ang Iyong pag-ibig, pagpapala at awa. Gamitin Mo po kaming mga instrumento upang mahipo Mo ang mga puso ng mga hindi pa kumikilala sa Iyo.
Makita po sana nila sa aming halimbawa at pamumuhay ang Iyong kabutihan. Magawa po sana naming ibahagi sa iba ang mga pagpapalang ipinagkakaloob Ninyo sa amin sa araw-araw.
Ngayo'y ipinapahayag namin sa mundong si Hesus ay nabuhay na magmuli at umakyat sa langit. Ngayo'y kasama Mo Siya at ng Espiritu Santo.
Sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya at sa Kanya, ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo, aming Ama, kasama ng Espiritu Santo. Amen.