Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon - 21 Hunyo 2015



“Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” (Marcos 4:40)

Unang Pagbasa: Job 38:1.8-11

Sa gitna ng nag-aalimpuyong bagyo, ganito ang sinabi ng Diyos kay Job: “Sino ang humarang sa agos ng dagat, nang mula sa kalaliman ito’y sumambulat? Ang dagat ay tinakpan ko ng makapal na ulap kaya ang karimlan doo’y lumaganap. Ang tubig ay aking nilagyan ng hangganan, upang ito’y manatili sa likod ng mga harang. Sinabi kong sila’y hanggang doon na lang, huwag nang lalampas ang along naglalakihan.

Salmo: Awit 107:23-24. 25-26. 28-29. 30-31

Tugon: Panginoo’y papurihan 
           sa pagibig n’ya kaylanman!

Mayroong naglayag na lulan ng barko sa hangad maglakbay, 
ang tanging layunin kaya naglalayag, upang mangalakal. 
Nasaksihan nila ang kapangyarihan ng Panginoong Diyos, 
ang kahanga-hangang ginawa ng Poon na hindi matarok. 

Nang siya’y mag-utos, nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas, 
lumaki ang alon na kung pagmamasdan, ay pagkatataas. 
Ang sasakyan nila halos ay ipukol mula sa ibaba, 
kapag naitaas ang sasakyang ito’y babagsak na bigla; 
dahil sa panganib, ang pag-asa nila ay halos mawala. 

Nang nababagabag, sa Panginoong Diyos sila ay tumawag, 
dininig nga sila at sa kahirapan, sila’y iniligtas. 
Ang bagyong malakas, pinayapa niya’t kanyang pinatigil, 
pati mga alon, na naglalakihan ay tumahimik din. 

Nang tumahimik na, sila ay natuwa, naghari ang galak, 
at sinapit nila yaong pakay nila sa ibayong dagat. 
Kaya’t dapat namang sa Panginoong Diyos ay magpasalamat, 
dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas. 

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:14-17

Mga kapatid: Ang pag-ibig ni Kristo ang naguudyok sa aking magkaganyan, ngayong malaman kong siya’y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay.

Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Kristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila. 

Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y gayon ang aming pagkakilala kay Kristo, ngunit ngayo’y hindi na. Kaya’t ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na. 

Mabuting Balita: Marcos 4:35-41

Noong araw na yaon, habang gumagabi’y sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: