21 - 27 Hunyo 2015



"Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.(Mateo 7:5)

21 Hunyo
22 Hunyo
23 Hunyo
24 Hunyo
25 Hunyo
26 Hunyo
27 Hunyo

21 Hunyo 2015
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Job 38:1.8-11; Salmo: Awit 107:23-24. 25-26. 28-29. 30-31; Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:14-17; Mabuting Balita: Marcos 4:35-41)


“Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” (Marcos 4:40)

22 Hunyo 2015
Unang Pagbasa:  Genesis 12:1-9; Salmo: Awit 33:12-22;
Mabuting Balita: Mateo 7:1-5

1 Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. 2 Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. 3 Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. 4 Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? 5 Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

23 Hunyo 2015
Unang Pagbasa:  Genesis 13:2-18 Salmo: Awit 15:2-5;
Mabuting Balita: Mateo 7:6. 12-14

6 Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain.

12 Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.

13 Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. 14 Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.

Kapistahan ng Kapanganakan ni Juan Bautista.
24 Hunyo 2015
Unang Pagbasa:  Isaias 49:1-6; Salmo: Awit 139:1-15; 
Ikalawang Pagbasa: Gawa 13:22-26
Mabuting Balita: Lucas 1:57-66. 80

57 Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. 58 Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.

59 Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. 60 Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” 61 Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” 62 Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. 63 Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” 64 Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.

65 Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. 66 Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon

80 Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.

25 Hunyo 2015
Unang Pagbasa:  Genesis 16:1-16; Salmo: Awit 106:1-5;
Mabuting Balita: Mateo 7:21-29

21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. 22 Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ 

24 Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. 25 Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. 26 At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. 27 Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!

28 Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga  tao sa kanyang pangangaral 29 sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.

26 Hunyo 2015
Unang Pagbasa:  Genesis 17:1-22; Salmo: Awit 128:1-5;
Mabuting Balita: Mateo 8:1-4

1 Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya. 
2 Lumapit sa kanya ang isang may ketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.”  3 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. 4 At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kanino man, kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” 

27 Hunyo 2015
Unang Pagbasa:  Genesis 18:1-15; Salmo: Lucas1:46-55;
Mabuting Balita: Mateo 8:5-17

5 Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: 6 “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” 7 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”

8 Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. 9 May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”

10 Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. 11 Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit. 12 At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at doon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”

13 At sinabi ni Jesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon. 

14 Pagpasok naman ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan ni Pedro na may lagnat at nakahiga. 15 Hinawakan niya ito sa kamay at nawala ang lagnat nito. Kaya bumangon ito at nagsimulang maglingkod sa kanya.

16 Pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong inaalihan ng masasamang espiritu, at sa isang salita lamang ay napalayas niya ang mga ito. Pinagaling din niya ang mga maysakit. 17 Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan ang ating mga karamdaman.

21 Hunyo
22 Hunyo
23 Hunyo
24 Hunyo
25 Hunyo
26 Hunyo
27 Hunyo

Mga kasulyap-sulyap ngayon: