Most Important Meal


Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon
11 Hunyo 2023


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 07 Hunyo 2015.)


Buhat nu'ng bata pa kami, lagi kaming pinaaalalahanan ng aming tatay na huwag aalis ng bahay hangga't hindi kami nakakapag-almusal. At nadala ko ang paalalang iyon sa buo kong buhay. 

Katunayan, nu'ng high school ako, nagtanong ang teacher namin sa Physical Education (PE), "what is the most important meal of the day?" Proud akong nagtaas ng kamay at sumagot, "Breakfast is the most important meal because it's the first meal of the day." (Naks, ingles 'yun!)

Sa Linggong ito, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng pinakamahalagang pagkain sa ating buhay, lalo na sa ating buhay pananampalataya. Ipinagdiriwang natin ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming pinagsasaluhan natin sa Banal na Misa.

Bilang mga Katoliko, itinuturing nating pinakamataas na pagsamba ang Banal na Misa. Sa ating pagsisimba, tinatanggap natin ang Salita ng Diyos sa Liturhiya ng Salita at pinagsasaluhan natin ang Katawan at Dugo ni Kristo sa Liturhiya ng Eukaristiya.

Isang araw matapos Niyang paramihin ang tinapay at isda at pakainin ang maraming tao, binigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng Sakramento ng Eukaristiya nang sabihin Niya sa mga Israelita,  "Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin." (Juan 6:35) 

Na lalo pa Niyang pinagtibay nang Kanyang ipagpatuloy, "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw." (Juan 6:53-54)

Ang katotohanang ito'y hindi tinatanggap ng marami sa ating mga kapatid na Kristiyano. Sinasabi nilang masyadong literal ang pagkakaunawa nating mga Katoliko sa mga Salitang ito ni Hesus. 


Hindi ganito ang palagay ng mga apostol at ng mga unang Kristiyano. 

Nakilala si Hesus ng dalawa Niyang alagad na patungong Emmaus sa pamamagitan ng Kanyang paghahati ng tinapay. (Lucas 24:13-35)

Pinagsaluhan ng mga apostol at ng mga unang Kristiyano ang Katawan at Dugo ni Kristo. Nanatili silang matapat sa aral ng mga apostol, sa pagsasamahan, sa pag-hahati ng tinapay, at sa pananalangin.... Araw-araw silang nagsasama-sama nang matagal sa Templo, at sa kanilang mga tahanan din sa paghahati ng tinapay; buong galak at katapatan ng puso silang kumakain. (Gawa 2:42. 46) 

Kaya dapat nating panatiliing malusog ang ating kaluluwa. Lagi tayong magsimba lalo na kung araw ng Linggo. Bigyan natin ng halaga ang ating pagtanggap kay Hesus sa Sakramento ng Eukaristiya.

Dahil kung breakfast ang most important meal of the day, ang pagdiriwang ng Banal na Sakripisyo ng Misa at ang pagtanggap ng komunyon ang most important meal of our lives.

Panalangin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat, sa Iyo ang lahat ng aming pagsamba at pagluwalhati. 


Una sa lahat, pinasasalamatan po namin Kayo sa Inyong pag-aalay ng Inyong Bugtong na Anak sa amin. Inaangkin namin Siya bilang aming Panginoon at Tagapagligtas. Batid po namin ang aming pagiging aba subalit pinili Niyang maging mas aba para sa aming katubusan.

Ama, hayaan Mo po kaming maging karapat-dapat sa aming pakikihati sa Katawan at Dugo ni Kristo na aming ipinagdiriwang sa Sakripisyo ng Banal na Misa. Pinili po Niyang maging munting Tinapay at isang kalis ng Alak para sa amin.

Sa paggabay ng Espiritu Santo, magawa po sana naming patuloy na lumapit sa Iyong Anak. Kami po sana'y maging isang Simbahang nakikihati sa pasyon ni Hesus na inaalala namin sa Eukaristiya.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, ang Tinapay ng Buhay, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: