Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
24 Oktubre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 25 Oktubre 2015)
24 Oktubre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 25 Oktubre 2015)
Nangingiti ako kapag sinasabi ko ang mga katagang ito sa aking anak. It doesn't necessarily mean na gagaling talaga siya agad-agad. Iyon lang ang paraan ko ng pagsasabing magiging maayos ang lahat. Na sooner or later, gagaling din ang sugat niya. It will just need some time.
Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, pinagaling si Hesus ang isang bulag na nagngangalang Bartimeo. Ipinakita ng tagpong ito ang matinding pananampalataya ng bulag at ang walang hanggang awa ng Diyos na ipinahayag ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang gawa.
Si Hesus ang Dakilang Manggagamot. Siya ang lunas sa ating mga sakit. At hindi lang pisikal na karamdaman ang kaya Niyang pagalingin. Gayundin ang mga karamdamang pampamilya, panlipunan, emosyonal, sikolohikal.
Sa mga pagkakataong pakiramdam nati'y wala nang kalunasan ang ating sakit o wala nang kalutasan ang ating mga problema, huwag tayong matakot tumawag sa Diyos. Hindi kailanman nabigo ang pag-asa ng mga taong umaasa sa Kanya.
Maging tulad nawa tayo ng bulag na si Bartimeo. Hindi Siya tumigil sa pagtawag sa pangalan ng ating Panginoon kahit na sinaway siya ng mga tao sa paligid niya. Hindi tumigil sa pananampalataya kahit na para sa iba'y ingay lamang ang ginagawa niya. He never stopped believing. At sinuklian ni Hesus ng kagalingan at kaliwanagan ang kanyang pagmamakaawa.
Patuloy na nakikinig si Hesus sa ating mga dasal. Kasama natin Siya sa araw-araw. Patuloy sa ating umaalalay. At kapag nadadapa tayo at nasasaktan, lagi Niya tayong hinihipo na para bang sinasabi, "kiss ko na lang ang sugat mo para mawala na 'yung sakit!"
Idalangin nating madama sana natin ang Kanyang pag-ibig. Sa ganitong paraan, mabuksan sana ang ating mga mata. Makita sana natin ang walang hanggang kabutihan ng Diyos.
Panalangin:
Aming Amang makapangyarihan sa lahat, pagsamba at pagluwalhati ang hatid namin sa Iyo.
Pinasasalamatan po namin ang Iyong walang hanggang awa. Salamat po sa pagdinig Mong lagi sa aming mga panalangin. Ikaw po ang aming lakas, pag-asa at kagalingan.
Ibukas Mo po ang aming mga matang nabubulagan ng mundo. Makita po sana namin ang Iyong kabutihang palaging kumakalinga sa aming kapakanan.
Kasama si Inang Maria at ng mga banal, idinadalangin po namin ang buong simbahan. Lalo na po ang mga may karamdaman.
Ama, idinadalangin din po namin ang aming sambayanan. Mabigyang-kalutasan po sana ang mga problemang panlipunang kinakaharap namin. Nananalig po kaming walang imposible sa Iyo.
Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.