|
|
|
|
|
|
|
29 Nobyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ni Hesukristo
(Unang Pagbasa: Jeremias 33:14-16; Salmo: Awit 25:4-5, 8-9, 10.14; Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 3:12-4:2; Mabuting Balita: Lucas 21:25-28.34-36)
Unang Pagbasa: Roma 10:9-18; Salmo: Awit 19:2-5
Mabuting Balita: Mateo 4:18-22
18 Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. 19 Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”
20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
01 Disyembre 2015
Unang Pagbasa: Isias 11:1-10; Salmo: Awit 72:1-17
Mabuting Balita: Lucas 10:21-24
21 Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. 22 Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
23 Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
02 Disyembre 2015
Unang Pagbasa: Isias 25:6-10a; Salmo: Awit 23:1-6
Mabuting Balita: Mateo 15:29-37
29 Umalis doon si Jesus at pumunta sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. 30 Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. 31 Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel.
32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito, at kaunting maliliit na isda.”
35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, 36 kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong punong bayong.
San Francis Xavier |
Unang Pagbasa: Isias 26:1-6; Salmo: Awit 118:1-27
Mabuting Balita: Mateo 7:21. 24-27
21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit.
24 Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. 25 Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. 26 At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. 27 Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
04 Disyembre 2015
Unang Pagbasa: Isias 29:17-24; Salmo: Awit 27:1-14
Mabuting Balita: Mateo 9:27-31
27 Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” 28 Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” At sumagot sila: “Oo, Ginoo!”
29 Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” 30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” 31 Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.
05 Disyembre 2015
Unang Pagbasa: Isias 30:19-26; Salmo: Awit 147:1-6
Mabuting Balita: Mateo 9:35-10:1, 5-6. 8
35 At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. 37 At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. 38 Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”
1 Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman.
5 Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. 6 Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.
8 Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.
|
|
|
|
|
|
|