Christ On Christmas

Gospel Reflection

Ikalawang Linggo ng Adbiyento
05 Disyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.



(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 09 Disyembre 2015)


Paano nga ba tayo naghahanda para sa Pasko?

Bago dumating ang Pasko, marami sa atin ang bumibili ng mga bagong damit, at mga panregalo. Ang iba'y naglalaan pa ng mga malulutong na perang papel para ipamigay sa mga bata, Naghahanda rin tayo ng mga dekorasyon para mapaganda ang ating mga bahay. Naghahanda tayo ng mga pagkain para sa ating noche buena. Ang iba nama'y nagre-ready para sa mga out-of-town o out-of-the-country na lakad.

Marami tayong ginagawa para maging masaya ang ating pagdiriwang ng Pasko. Para ma-feel nating Pasko na talaga.

Masyado tayong nagiging busy sa mga pisikal na bagay kaya nalilimutan natin ang higit na mahalaga sa Araw ng Pasko. Nalilimutan nating ito ang araw ng pagdiriwang natin ng pagsilang ni Hesus sa isang abang sabsaban. Ipinagdiriwang natin kung paanong dumating sangkatauhan ang isang Diyos na hinubad ang lahat ng kaluwalhatian para sa katubusan natin mula sa kasalanan.

Isa ba tayo sa maraming taong iniisip na hindi para sa atin ang Pasko? Sinasabi nating para lang sa mga bata ang Pasko. Na hindi ito para sa mga mas nakatatanda. Subalit para sa lahat ang tunay na Pasko. Isinilang ang sanggol na si Hesus para sa ating lahat.

Gaano na kahanda ang ating puso, isip at buong pagkatao para sa Pasko? Parating si Hesus, handa na ba tayo sa pagtanggap sa Kanya? May puwang na ba Siya sa ating puso? O baka puno pa rin ng galit, ng sama ng loob at ng inggit ang buo nating pagkatao? Ang isipan  ba nati'y puno pa rin ng pag-aalinlangan at ng takot? Dumating si Hesus para sa atin, kailan tayo magtitiwala?

Maliwanag ang sigaw ni Juan Bautista sa ilang, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.”

Focus on Jesus. Keep Christ on Christmas Day. Lumapit tayo kay Hesus. Siya ang tunay na bida ng pagdiriwang na ito. Siya ang Birthday Celebrant. Marapat lang na bigyan natin Siya ng regalo. At wala nang mas dakilang alay sa Kanya kundi ang ating mga sariling nagsisisi at nagiging daluyan ng Kanyang pag-ibig. 

Handa ka na ba para sa Pasko?

Panalangin:

Aming ama, inihahandog po namin sa Iyo ang aming puso bilang pagsamba at pagluwalhati sa Iyong pangalan.

Inihahanda po namin ang aming mga sarili sa pag-alaala sa pagsilang ng Iyong Bugtong na Anak, gabayan po sana kami ng Espiritu Santo upang matanggap namin Siya sa aming mga puso.

Turuan Mo po kaming humingi ng tawad at magpatawad. Tulungan Mo po kaming alisin ang lahat ng galit, pag-aalinlangan at inggit at lahat ng mga negatibong emosyon sa aming pagkatao. Kami'y nagsisising nagsusumamo ng Iyong kapatawarang walang maliw.

Lumalapit po kami sa Inyo sa pamamagitan ni HesuKristo na minsang isinilang sa Betlehem para sa amin, ngayo'y naghaharing  kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: