Noong paghahari ni Josias,
kinausap ako ng Panginoon at sinabi
niya, “Bago ka ipinaglihi, kilala na
kita. Bago ka ipinanganak, itinalaga
kita sa akin upang maging propeta
sa lahat ng bansa.
Magpakatapang ka: humayo ka
at sabihin mo sa kanila ang lahat ng
iuutos ko. Huwag kang matatakot sa
kanila ngayon. Pag hindi ka sumunod
sa akin, lalo kang matatakot
kung naroon ka na sa kalagitnaan
nila. Pakinggan mong mabuti ito,
Jeremias! Ang bawat isa sa lupaing
ito – ang mga hari ng Juda, ang mga
pinuno, ang mga saserdote, at ang
buong bayan – ay sasalungat sa
iyo. Ngunit gagawin kitang sintibay
ng isang lunsod na naliligid ng mga
muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo
sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo.
Akong Panginoon ang nagsasabi
nito.”
Salmo: Awit 70
Tugon: Patuloy kong isasaysay
ang
dulot mong kaligtasan!
Sa iyo lang, Panginoon, lubos
akong nananalig,
h’wag mo akong
pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang
ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin,
sa daing ko ay makinig.
Ikaw nawa ang muog ko at ligtas
na kakanlungan,
matatag na kublihan
ko at matibay na sanggalang.
Sa
lahat ng masasama, O Diyos, ako’y
ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik,
huwag mo akong pabayaan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak
ang pag-asa,
maliit pang bata ako,
sa iyo’y may tiwala na;
sa simula
at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging
ikaw lamang;
kaya naman ikaw,
Poon, pupurihin araw-araw.
Pagkat ikaw ay dakila, patuloy
kong isasaysay,
maghapon kong
ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
sapul pa sa pagkabata ako’y
iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y
sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 12:31-13:13
Mga kapatid: Buong taimtim
ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila. At ngayo’y ituturo ko
sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.
Makapagsalita man ako sa mga
wika ng mga tao at ng mga anghel,
kung wala naman akong pag-ibig,
para lamang akong batingaw na
umaalingawngaw o pompiyang na
tumataginting. Kung ako man ay may
kakayahang maghayag ng salita ng
Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga,
kung mayroon man ako ng lahat ng
kaalaman at ng malaking pananampalataya
anupat napalilipat ko ang
mga bundok, ngunit wala naman
akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.
Ipamigay ko man ang lahat
kong ari-arian, at ialay ko man ang
aking katawan upang sunugin, kung
wala naman akong pag-ibig, walang
kabutihang maidudulot ito sa akin!
Ang pag-ibig ay matiyaga at
magandang-loob, hindi nananaghili,
nagmamapuri, o nagmamataas,
hindi magaspang ang pag-uugali,
hindi makasarili, hindi magagalitin,
o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito
ikinatutuwa ang gawang masama,
ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala,
puno ng pag-asa, at nagtitiyaga
hanggang wakas.
Matatapos ang kakayahang magpahayag
ng salita ng Diyos, titigil ang
kakayahang magsalita sa iba’t ibang
wika, mawawala ang kaalaman, ngunit
ang pag-ibig ay walang katapusan.
Hindi pa lubos ang ating kaalaman
at ang kakayahan sa pagpapahayag
ng salita ng Diyos; ngunit pagdating
ng ganap, mawawala ang di-ganap.
Noong ako’y bata pa, nagsasalita ako,
nag-iisip at nangangatwirang tulad
ng bata. Ngayong ako’y mayroon
nang sapat na gulang, iniwan ko na
ang mga asal-bata. Sa kasalukuyan,
tila malabong larawan ang nakikita
natin sa salamin, ngunit darating
ang araw na makikita natin siya
nang mukhaan. Bahagya lamang
ang nalalaman ko ngayon; ngunit
darating ang araw na malulubos ang
kaalamang ito, tulad ng pagkakilala
sa akin ng Diyos.
Ang tatlong ito’y nananatili:
ang pananampalataya, pag-asa, at
pag-ibig; ngunit ang pinakadakila
sa mga ito ay ang pag-ibig.
Mabuting Balita: Lucas 4:21-30
Noong panahong iyon, nagsalita
si Hesus sa sinagoga: “Natupad
ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan
samantalang nakikinig kayo.”
Pinuri siya ng lahat, at namangha
sila sa kanyang napakahusay na
pananalita. “Hindi ba ito ang anak
ni Jose?” tanong nila.
Kaya sinabi ni Hesus, “Walang
pagsalang babanggitin ninyo sa akin
ang kawikaang ito: ‘Doktor, gamutin
mo ang iyong sarili!’ Sasabihin din
ninyo sa akin, ‘Gawin mo naman
sa iyong sariling bayan ang mga
nabalitaan naming ginawa mo sa
Capernaum.’ ” At nagpatuloy ng
pagsasalita si Hesus, “Tandaan ninyo:
walang propetang kinikilala sa kanyang
sariling bayan. Ngunit sinasabi
ko sa inyo: maraming babaing balo
sa Israel noong kapanahunan ni
Elias nang hindi umulan sa loob ng
tatlong tao’t kalahati at magkaroon
ng matinding taggutom sa buong
lupain. Subalit hindi sa kaninuman
sa kanila pinapunta si Elias kundi sa
isang babaing balo sa Sarepta, sa
lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng
mga ketongin sa Israel noong kapanahunan
ni Eliseo, walang pinagaling
isa man sa kanila; si Naaman pang
taga-Siria ang pinagaling.”
Galit na galit ang lahat ng nasa
sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan
sila, at ipinagtabuyan siyang
palabas, sa taluktok ng burol na
kinatatayuan ng bayan, upang ibulid
sa bangin.
Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan
nila at umalis.