31 Enero - 06 Pebrero 2016



“Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipahayag sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo.” (Marcos 5:19)

31 Enero
01 Pebrero
02 Pebrero
03 Pebrero
04 Pebrero
05 Pebrero
06 Pebrero


31 Enero 2016
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
(Unang Pagbasa: Jeremias 1:4-5.17-19; Salmo: Awit 70; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 12:31-13:13; Mabuting Balita: Lucas 4:21-30)

“Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan.”  (Lucas 4:24)

01 Pebrero 2016 
Pagbasa: 2 Samuel 15:13–16:13; Salmo: Awit 3:2-7 
Mabuting Balita: Marcos 5:1-20

1 Dumating sila sa lupain ng mga taga-Gerasa sa kabilang ibayo, 2 at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. 3 Sa mga puntod siya nakatira at di siya maigapos kahit na ng mga kadena. 4 Madalas nga siyang ikinakadena at ipinoposas ang mga paa pero nilalagot niya ang mga kadena at sinisira ang mga posas sa paa kaya walang makasupil sa kanya. 5 Nasa kaburulan siya araw-gabi, sa mga libingan. Nagsisisigaw siya at sinasaktan ang sarili sa mga bato.

6 Pagkakita nito kay Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya 7 at sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na Anak ng Diyos! Hinihiling ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan.” 8 Sinabi nga sa kanya ni Jesus: “Lumabas ka sa tao, maruming espiritu.” 9 At nang tanungin siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” sumagot siya, “Hukbo nga ako, marami kasi kami.” 10 At hiningi niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon. 

11 Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. 12 Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyon.” 13 At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. 14 Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao para alamin ang nangyari.

15 Kaya pinuntahan ng mga ito si Jesus at nakita nila ang dating inaalihan ng demonyo na nakaupo at nakadamit, matino na siya na sinapian ng Hukbo. Kaya natakot sila. 16 Ibinalita naman sa kanila ng nakakita kung ano ang nangyari sa inalihan ng demonyo at pati sa mga baboy. 17 Kayat hiniling nila kay Jesus na umalis sa kanilang lupain.

18 Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. 19 Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: “Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipahayag sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo.”

20 Kaya umalis ang tao, at sinimulang ipahayag sa buong lupain ng Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus, at namangha ang lahat.


Paghahandog kay
Hesus sa templo.
02 Pebrero 2016 
Unang Pabgasa: Malakias 3:1-4; Salmo: Awit 24:7-10; 
Ikalawang Pagbasa Heb 2:14-18;
Mabuting Balita: Lucas 2:22-40

22 Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon – 23 tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. 24 Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.

25 Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.
28 Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi:

29 “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon,
nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika;
30 pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas
31 na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa,
32 ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano 
at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”

33 Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. 34 Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. 35 Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”

36 May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. 38 Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.


39 Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. 40 Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.


San Blaise at San Ansgar

03 Pebrero 2016
Pagbasa: 2 Samuel 24:2-17; Salmo: Awit 32:1-7;
Mabuting Balita: Marcos 6:1-6

1 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. 2 Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya.

4 Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” 5 At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. 6  At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.

Naglibot naman si Jesus sa mga nayon sa paligid sa kanyang pagtuturo. 


04 Pebrero 2016
Pagbasa: 1 Hari 2:1-12 1; Salmo: Cronica 29:10-12;
Mabuting Balita:  Marcos 6:7-13

7 At tinawag niya ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. 8 At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. 9 Nakasandalyas at may isang damit lang.

10 At sinabi niya sa kanila: “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. 11 Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” 

12 At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. 13 Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.


Santa Agatha
05 Pebrero 2016
Pagbasa: Sirac 47:2-11; Salmo: Awit 18:31-51;
Mabuting Balita: Marcos 6:14-29

14 Nabalitaan din ni Haring Herodes ang tungkol sa kanya sapagkat tumanyag na ang kanyang pangalan. May nagsasabing nabuhay si Juan Bautista mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan. 15 Sinabi naman ng iba: “Si Elias nga ito,” at ng iba pa: “Ito ay isang propeta gaya ng mga propeta noon.” 16 Nang mabalitaan ito ni Herodes ay sinabi niya: “Nabuhay nga sa mga patay si Juan na pinapugutan ko ng ulo.”

17 Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias 18 at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. 20 Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito.

21 At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. 22 Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” 23 At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” 25 Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”

26 Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita. 27 Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, 28 inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.


San Paulo Miki
06  Pebrero 2016
Pagbasa: 1 Hari 3:4-13; Salmo: Awit 119:9-14;
Mabuting Balita: Marcos 6:30-34

30 Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. 31 Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi  man lamang sila makakain. 32 Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar.

33 Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa kanila.

34 Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.

31 Enero
01 Pebrero
02 Pebrero
03 Pebrero
04 Pebrero
05 Pebrero
06 Pebrero

Mga kasulyap-sulyap ngayon: