Ikalimang Linggo ng Kuwaresma - 13 Marso 2016


Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.” (Juan 8:11)

Unang Pagbasa: Isaias 43:16-21

Ito ang sinasabi ng Panginoon, na s’yang gumawa ng landas, upang may maraanan sa gitna ng dagat. Sa kapangyarihan n’ya ay kanyang nilupig ang malaking hukbo. Nilipol niya ang kanilang mga kabayo. At ang mga karwahe’y winasak, sila’y nangabuwal at di na nakabangon. Parang isang ilaw, na namatay ang ningas. 

Ito ang sabi niya: “Ang mga nangyari no’ng unang panahon, ilibing sa limot, limutin na ngayon. 

Narito, at masdan ang nagawa ko’y isang bagong bagay na hanggang sa ngayo’y di mo namamasdan. Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan. Ako’y igagalang niyong mga hayop na pawang mailap, gaya ng avestrus at ng asong-gubat; ang dahilan nito, sa disyerto ako’y nagpabukal ng saganang tubig para may mainom ang aking hinirang. 

Sila’y nilalang ko at aking hinirang, upang ako’y kanilang papurihan!”

Salmo: Awit 125

Tugon: Gawa ng Diyos ay dakila 
            kaya tayo’y natutuwa!

Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik, 
ang nangyaring kasaysaya’y parang isang panaginip. 
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.

Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid, 
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!” 
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa, 
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di-kawasa! 

Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis, 
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik. 
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha, 
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa. 

Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis, 
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!  

Ikalawang Pagbasa: Filipos 3:8-14

Mga kapatid: Inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan makamtan ko lamang si Kristo, at lubos na makiisa sa kanya. Hindi ko na hangad na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pananalig kay Kristo. Ang pagiging matuwid ko ngayon ay kaloob ng Diyos batay sa pananampalataya. 

Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Kristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, makihati sa kanyang mga hirap, at matulad sa kanya – pati sa kanyang kamatayan – sa pag-asang ako ma’y muling bubuhayin. 

Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako’y ganap na, ngunit sinisikap kong maisakatuparan ang layunin ni Kristo Hesus nang tawagin niya ako. Mga kapatid, hindi ko ipinalalagay na natupad ko na ang mga bagay na ito. Ang ginagawa ko ngayo’y nililimot ang nakaraan at sinisikap na makamtan ang nasa hinaharap. Nagpapatuloy nga ako tungo sa hangganan upang kamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang buhay na hahantong sa langit.

Mabuting Balita: Juan 8:1-11

Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha’y nagbalik siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya’t umupo siya at sila’y tinuruan. 

Noo’y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, “Guro, ang babaing ito’y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya. Ano ang masasabi mo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. 

Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. 

Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya’t sila’y tiningnan niya at sinabi ang ganito, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. 

Nang marinig nila ito, sila’y isaisang umalis, simula sa pinakamatanda. 

Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya.Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: