Sabado de Gloria - 26 Marso 2016 6/8

Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
(Ikaanim na Pagbasa at Salmo)

Ebanghelyo At Mga Pagbasa


Ito ang ating Diyos! Walang makapapantay sa Kanya. Alam Niya ang daan ng Karunungan, at ito’y ipinagkaloob Niya sa lingkod Niyang si Jacob, kay Israel na Kanyang minamahal. (Baruc 3:36-37)






Ikaanim na Pagbasa: Baruc 3: 9-15.32-4:4

Dinggin mo, Israel, ang mga kautasang nagbibigay-buhay; makinig ka at nang ikaw ay matuto. Israel, bakit ka nasa lupain ng iyong mga kaaway? Bakit ka tumanda sa ibang lupain? Bakit itinakwil kang parang patay at ibinilang na sa mga patay? Ang dahilan ay sapagkat itinakwil mo ang bukal ng karunungan, Kung lumakad ka lang sa landas ng Diyos, sana’y namumuhay kang matiwasay sa habang panahon. Hanapin mo ang bukal ng pang-unawa, lakas at kaalaman, at malalaman mo kung nasaan ang mahabang buhay, ang liwanag na sa iyo’y papatnubay, at ang kapayapaan.

May nakatuklas na ba kung saan nakatira ang Karunungan, o nakapasok sa kanyang taguan ng yaman?

Ang Diyos na nakaaalm ng lahat ng bagay ang tanging nakakikilala sa Karunungan. Natatarok din Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang kaalaman. Siya ang lumikha at naglagay dito ng lahat ng uri ng hayop. Nag-utos Siya at lumitaw ang liwanag; nanginginig ito sa takot kapag Siya’y tumatawag. Tinawag din Niya ang mga tala at madali silang nagsitugon: ”Narito po kami.” Lumagay sila sa kani-kanilang lugar at masayang nagningning para bigyang lugod ang lumikha sa kanila. Ito ang ating Diyos! Walang makapapantay sa Kanya. Alam Niya ang daan ng Karunungan, at ito’y ipinagkaloob Niya sa lingkod Niyang si Jacob, kay Israel na Kanyang minamahal. Mula noon, nakita na sa daigdig ang Karunungan, at nanatili sa sangkatauhan.

Ang Karunungan ay siyang aklat ng mga utos ng Diyos, ang batas na mananatili magpakailanman. Ang manghawak dito’y mabubuhay at ang tumalikod ay mamamatay. O bayang Israel, tanggapin ninyo ang Karunungan at lumakad kayo sa Kanyang liwanag. Huwag ninyong ibigay sa ibang lahi ang inyong karangalan at mga karapatan. Mapalad tayo, mga Israelita, pagkat alam natin kung ano ang nakasisiya sa Diyos.

Salmo: Awit 18 

Tugon: Panginoon Iyong taglay 
           ang Salitang bumubuhay.

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;

yaong Kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa lahat ng kaisipan.

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pangunawa ng isipan yaong bungang idudulot.

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol Niya’y matuwid na kahatulan,
kapag Siya ang humahatol, ang pasiya ay pantay-pantay.

Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais,
higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito ay dalisay at malinis.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: