Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - 17 Abril 2016

Linggo ng Mabuting Pastol



“Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. (Juan 10:27)

Unang Pagbasa: Gawa 13:14.43-52

Noong mga araw na iyon: Mula sa Perga, nagpatuloy maglakbay sina Pablo at Bernabe at dumating sa Antioquia ng Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat sa kagandahang-loob ng Diyos. 

Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lunsod ay nagkatipon upang pakinggan ang salita ng Diyos. Inggit na inggit ang mga Judio nang makita nila ang maraming tao, kaya’t nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Yamang itinakwil ninyo ito, hinatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya’t pupunta kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon: ‘Inilagay kita na maging ilaw sa mga Hentil upang maibalita mo ang kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’” 
Nagalak ang mga Hentil nang marinig ito, at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya; at sumampalataya ang mga hinirang para sa buhay na walang hanggan. 

Kaya’t lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga babaing sumasamba sa Diyos at kilala sa lipunan, gayon din ang mga lalaking pinuno ng lunsod: ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya’t ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila’y nagtungo sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay natigib ng galak at napuspos ng Espiritu Santo.

Salmo: Awit 99 

Tugon: Lahat tayo’y kanyang bayan, 
           kabilang sa kanyang kawan!

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa! 
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa. 
Lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa! 

Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman, 
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang. 
Lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan. 

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan; 
siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman. 

Ikalawang Pagbasa: Pahayag 7:9.14-17

Akong si Juan ay nakakita ng napakaraming taong di kayang bilangin ninuman! Sila’y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero,nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. At sinabi ng isa sa mga matatanda sa akin, “Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig. 

Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit. Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa templo niya. At ang nakaluklok sa trono ang kukupkop sa kanila. 

Hindi na sila magugutom o mauuhaw. Hindi na sila mabibilad sa araw o mapapaso ng anumang matinding init. Sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila’y dadalhin niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay; at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”

Mabuting Balita: Juan 10:27-30

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 

Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: