17 - 23 Abril 2016



“Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan.  (Juan 10:9)

17 Abril
18 Abril
19 Abril
20 Abril
21 Abril
22 Abril
23 Abril


17 Abril 2016
Ikaapat na Linggo ng Muling Pagkabuhay


“Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:27)


18 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 11:1-18; Salmo: Awit 42:2-4;
Mabuting Balita: Juan 10:1-10

1 “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magnanakaw at tulisan ang hindi dumaraan sa pintuan pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumukso sa ibang dako. 2 Ang pastol ng mga tupa ang pumapasok sa pintuan. 3 Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. 4 Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig. 5 Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.”

6 Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila.

7 Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. 8 Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako siyang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.


19 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 11:19-26; Salmo: Awit 87:1-7;
Mabuting Balita: Juan 10:22-30

22 Piyesta ng Pagtatalaga sa Jerusalem, taglamig noon. 23 Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, 24 at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang lantaran.” 

25 Sinagot sila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Nagpapatunay tungkol sa akin ang mga gawang tinatrabaho ko sa ngalan ng aking Ama. 26 Ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 

27 Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. 29 Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. 30 Iisa kami: ako at ang Ama.”


20 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 12:24–13:5; Salmo: Awit 67:2-8;
Mabuting Balita: Juan 12:44-50

44 Malakas namang sinabi ni Jesus: “Ang nananalig sa aki’y hindi sa akin kundi sa nagpadala sa akin. 45 Ang pumapansin sa aki’y pumapansin sa nagpadala sa akin. 

46 Dumating ako na liwanag sa mundo upang hindi mamalagi sa dilim ang bawat nananalig sa akin. 47 Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iniingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya sapagkat dumadating ako hindi para hatulan ang mundo kundi para iligtas ang mundo. 

48 May humahatol sa bumabale-wala sa akin at di tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang salitang ipinangusap ko ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili ko; ang nagpadala sa akin – ang Ama – siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at ipangungusap. 50 Alam kong buhay magpakailanman ang kanyang utos. Kaya ang ipinangungusap ko’y ipinangungusap ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.


San Anselmo
21 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 13:13-25; Salmo: Awit 89:2-27;
Mabuting Balita: Juan 13:16-20

16 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa kanyang panginoon, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. 17 Kung alam ninyo ito, mapalad kayo kung isinasagawa n’yo ang mga ito. 

18 Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan: Ang nakikisalo sa aking pagkai’y tumalapid sa akin.” 19 Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang maniwala kayong Ako Nga kapag nangyari ito.

20 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ako ang tinatanggap ng tumatanggap sa ipinadadala ko, at ang nagpadala sa akin ang tinatanggap ng tumatanggap sa akin.”


22 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 13:26-33; Salmo: Awit 2:6-11;
Mabuting Balita:  Juan 14:1-6

1 Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. 2 Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” 3 At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. 
4 At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” 6 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” 


San Adalberto

San Jorge
23 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 13:44-52; Salmo: Awit 98:1-4;
Mabuting Balita: Juan  14:7-14

7 “Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.”

8 Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” 9 Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? 

10 Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang  mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. 11 Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. 

12 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. 13 Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. 14 At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.”

17 Abril
18 Abril
19 Abril
20 Abril
21 Abril
22 Abril
23 Abril

Mga kasulyap-sulyap ngayon: