Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - 24 Abril 2016



Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo.” (Juan 13:34)

Unang Pagbasa: Gawa 14:21-27

Noong mga araw na iyon, nagbalik sina Pablo at Bernabe sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia ng Pisidia. Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya. “Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos,” turo nila sa kanila. 

Sa bawat Simbahan, humirang sila ng matatandang mamamahala, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito’y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinananaligan. 

Tinahak nila ang Pisidia, at nakarating ng Panfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila nagsimula ng gawaing ginanap nila matapos silang itagubilin sa pagkakalinga ng Diyos. 

Pagdating doon, tinipon nila ang mga kaanib ng Simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang daan upang makapanampalataya ang mga Hentil.

Salmo: Awit 144 

Tugon: Diyos ko at aking Hari, 
             pupurihin kitang lagi!

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag, 
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas. 
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi; 
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang; 
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan. 
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian, 
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan. 

Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao, 
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo. 
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.

Ikalawang Pagbasa: Pah 21:1-5a

Akong si Juan ay nakakita ng isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa; wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lunsod, ang bagong Jerusalem, bumababang galing sa langit buhat sa Diyos, gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. 

Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Makakapiling nila nang palagian ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” 

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!”

Mabuting Balita: Juan 13:31-33.34-35

Pagkaalis ni Judas mula sa Huling Hapunan, sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. 

Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: