05 - 11 Hunyo 2016



Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.” (Mateo 5:7-8)

05 Hunyo
06 Hunyo
07 Hunyo
08 Hunyo
09 Hunyo
10 Hunyo
11 Hunyo


05 Hunyo 2016
Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon


Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” (Lucas 7:14)


San Norberto
06 Hunyo 2016
Pagbasa: 1 Hari 17:1-6; Salmo: Awit 121:1-8;
Mabuting Balita:  Mateo 5:1-12

1 Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. 2 At nagsimula siyang magturo sa kanila:
3 “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit.
4 Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila.
5 Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
6 Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.
7 Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila.
8 Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. 
10 Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit.
11 Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. 12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.


07 Hunyo 2016
Pagbasa: 1 Hari 17:7-16; Salmo: Awit 4:2-8;
Mabuting Balita:  Mateo 5:13-16

13 Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.

14 Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. 15 Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon,  sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.


08 Hunyo 2016
Pagbasa: 1 Hari 18:20-39; Salmo: Awit 16:1-11;
Mabuting Balita:  Mateo 5:17-19

17 Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. 18 At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.  

19 Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.


San Efren
09 Hunyo 2016
Pagbasa: 1 Hari 18:41-46; Salmo: Awit 65:10-13;
Mabuting Balita:  Mateo 5:20-26

20 Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.

21 Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. 22 Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno.  23 Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, 24 iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.

25 Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. 26 Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.


10 Hunyo 2016
Pagbasa: 1 Hari 19:9-16; Salmo: Awit 27:7-14;
Mabuting Balita:  Mateo 5:27-32

27 Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. 28 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso.

29 Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. 30 Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno.

31 Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. 32 Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.


San Barnabas, Apostol
11 Hunyo 2016
Pagbasa: Gawa 11:22–13:3; Salmo: Awit 98:1-6;
Mabuting Balita:  Mateo 10:7-13

7 Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ 8 Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. 9 Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. 10 Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. 

11 Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.

12 Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. 13 Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. 

05 Hunyo
06 Hunyo
07 Hunyo
08 Hunyo
09 Hunyo
10 Hunyo
11 Hunyo

Mga kasulyap-sulyap ngayon: