Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon - 04 Setyembre 2016



Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.” (Lucas 14:33)

Unang Pagbasa: Karunungan 9:13-18b 

“Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon? Kapos ang kaisipan ng tao at marupok ang aming mga panukala. Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa ng aming katawang may kamatayan. Ang aming katawang lupa ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala. Nahihirapan kami para mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig; nahihirapan din kami upang malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin. Sino, kung gayon, ang makauunawa sa mga bagay na makalangit? Walang makaaalam ng inyong kalooban malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan, at lukuban ng inyong diwang banal mula sa kaitaasan. Sa ganitong paraan lamang maiwawasto mo ang mga tao sa matuwid na landas.”

Salmo: Awit 90

Tugon: Poon, amin kang tahanan noon, 
            ngayon at kailanman.

Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos. 
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw, 
sa mata mo, Panginoon, isang kisapmata lamang; 
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan. 

Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis, 
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip. 
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak, 
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas. 

Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon, 
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong. 
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon, 
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon? 

Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig, 
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit. 
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain, 
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin! 

Ikalawang Pagbasa: Filemon 9b-10, 12-17 

Pinakamamahal ko, akong si Pablo, sugo ni Kristo Hesus at ngayo’y nakabilanggo dahil sa kanya, ang nakikiusap sa iyo tungkol kay Onesimo, na naakit ko sa pananampalataya samantalang ako’y naririto sa bilangguan. 

Pinababalik ko siya sa iyo, at para ko nang ipinadala sa iyo ang aking puso. Ibig ko sanang panatilihin siya sa aking piling, upang, sa halip mo, siya ang maglingkod sa akin habang ako’y nabibilanggo dahil sa Mabuting Balita. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang hindi maging sapilitan kundi kusa ang pagtulong mo sa akin. 

Marahil, nawalay sa iyo nang kaunting panahon si Onesimo upang sa pagbabalik niya’y makasama mo siya habang panahon hindi na bilang alipin kundi isang minamahal na kapatid. Mahal siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo hindi lamang bilang isang alipin kundi isang kapatid pa sa Panginoon! 

Kaya’t kung inaari mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin.

Mabuting Balita: Lucas 14:25-33

Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. 

Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos siya’y kukutyain ng lahat ng makakikita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ 

O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaral ang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: