“Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo.” (Lucas 6:21)
|
|
|
|
|
|
|
04 Setyembre 2016
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.” (Lucas 14:33)
Pagbasa: 1 Corinto 5:1-8; Salmo: Awit 5:5-12;
Mabuting Balita: Lucas 6:6-11
6 Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok siya sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. 7 Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya.
8 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. 9 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” 10 Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. 11 Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
Pagbasa: 1 Corinto 6:1-11; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita: Lucas 6:12-19
12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. 13 Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: 14 si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, 15 si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, 16 si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
17 Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon 18 ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
Pagbasa: 1 Corinto 7:25-31; Salmo: Awit 45:11-17;
Mabuting Balita: Lucas 6:20-26
20 Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi:
“Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo.
Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo.
22 Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. 23 Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
24 Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!
25 Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo!
Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak!
26 Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Kaarawan ni Mahal na Birheng Maria |
Pagbasa: 1 Mikas 5:1-4, 18-23; Salmo: Awit 13:6;
Mabuting Balita: Mateo 1:1-23
1 Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham.
2 Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. 3 Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. 4 Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon. 5 Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. 6 Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina.
7 Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, 8 Yosafat, Yoram, Ocias, 9 Yoatan, Ahaz, Ezekias, 10 Manases, Amon at Yosias. 11 Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia.
12 Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. 13 Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. 14 Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. 15 Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. 16 Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.
17 Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.
18 Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
19 Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
20 Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, 21 at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: 23 “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa atin ang Diyos.”
San Pedro Claver |
Pagbasa: 1 Corinto 9:16-27; Salmo: Awit 84:3-12;
Mabuting Balita: Lucas 6:39-42
39 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? 40 Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad.
41 Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
Pagbasa: 1 Corinto 10:14-22; Salmo: Awit 116:12-18;
Mabuting Balita: Lucas 6:43-49
43 Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. 44 Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. 45 Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso.
46 Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko?
47 Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. 48 May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon.
49 At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
|
|
|
|
|
|
|