“Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.” (Mateo 5:7-8)
|
|
|
|
|
|
|
30 Oktubre 2016
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.” (Lucas 19:10)
Pagbasa: Filipos 2:1-4; Salmo: Awit 131:1-3;
Mabuting Balita: Lucas 14:12-14
12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. 13 Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. 14 At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
Araw ng Lahat ng mga Santo |
Unang Pagbasa: Pahayag 7:2-14; Salmo: Awit 24:1-6; Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 3:1-3; Mabuting Balita: Mateo 5:1-12
1 Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. 2 At nagsimula siyang magturo sa kanila:
3 “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit.
4 Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila.
5 Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
6 Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.
7 Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila.
8 Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.
10 Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit.
11 Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. 12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Araw ng mga Yumao |
Unang Pagbasa: Karunungan 3:1-61; Salmo: Awit 27:1-14; Ikalawang Pagbasa: Roma 6:3-9; Mabuting Balita: Mateo 25:31-46
31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. 32 Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.
34 Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. 35 Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. 36 Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’
37 At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, 38 isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? 39 Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ 40 Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’
41 Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! 42 Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, 43 naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’
44 Kaya itatanong din nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?’ 45 Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’
46 At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
San Martin de Porres |
Pagbasa: Filipos 3:3-8; Salmo: Awit 105:2-7;
Mabuting Balita: Lucas 15:1-10
1 Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. 2 Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” 3 Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
4 “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? 5 At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, 6 at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ 7 Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.
8 Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? 9 At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
San Carlos Borromeo |
Pagbasa: Filipos 3:17–4:1; Salmo: Awit 122:1-5;
Mabuting Balita: Lucas 16:1-8
1 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. 2 Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’
3 At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. 4 Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’
5 Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ 6 Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ 7 Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.”
8 Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.
Pagbasa: Filipos 4:10-19; Salmo: Awit 112:1-9;
Mabuting Balita: Lucas 16:9-15
9 Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.
10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. 11 Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo?
13 Walang katulong na makapagsi-silbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”
14 Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. 15 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.
|
|
|
|
|
|
|