Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon - 23 Oktubre 2016



Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” (Lucas 17:19)

Unang Pagbasa: Sirac 35:12-14.16-18

Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan, wala siyang itinatanging sinuman. Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap, sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi. Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila, at ang pagsusumamo ng balong nagsasaysay ng nangyari sa kanya. 

Kinalulugdan ng Diyos ang naglilingkod sa kanya nang buongpuso, ang panalangin nito’y agad nakaaabot sa langit. Ang dalangin ng mapagpakumbaba ay lumalampas sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang di dumarating sa kinauukulan, hindi humihinto hanggang di pinapansin ng Kataas-taasan, at iginagawad ang katarungan sa nasa katuwiran.

Salmo: Awit 33

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag 
           ay kanyang inililigtas!

Panginoo’y aking laging pupurihin 
sa pasasalamat di ako titigil. 
Aking pupurihin kanyang mga gawa, 
kayong naaapi, makinig, matuwa! 

Nililipol niya yaong masasama 
hanggang sa mapawi sa isip ng madla. 
Agad dinirinig daing ng matuwid, 
inililigtas sila sa mga panganib. 

Tumutulong siya sa nasisiphayo, 
ang walang pag-asa’y hindi binibigo. 
Mga lingkod niya’y kanyang ililigtas, 
sa napakukupkop, siyang lumilingap.

Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 4:6-8.16-18

Pinakamamahal ko: Ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito: Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito. 

Walang sumama sa akin nang una akong humarap sa hukuman. Pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 

Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita; naligtas ako sa tiyak na kapahamakan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Mabuting Balita: Lucas 18:9-14

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba. 

“May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa’y Pariseoat ang isa nama’y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo ‘pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.’ Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 

Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”


Mga kasulyap-sulyap ngayon: