Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista - 24 Hunyo 2018



Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano kaya ang batang ito?” (Lucas 1:66)

Unang Pagbasa: Isaias 49:1-6


Makinig kayo mga taong naninirahan sa malalayong lugar. Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang at hinirang niya ako para siya'y paglingkuran. Mga salita ko'y ginawa niyang sintalas ng tabak, siya ang sa aki'y laging nag-iingat. Ginawa niya akong parang matulis na palaso na anumang oras ay handang itudla. Sinabi niya sa akin, "Israel, ikaw ay lingkod ko, sa pamamagitan mo ako'y dadakilain ng mga tao." Ngunit ang tugon ko, "Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas." Gayunman'y itinitiwala ko sa Panginoon ang aking kalagayan, na ako'y gagantimpalaan sa aking nakayanan. 

Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon, pinili niya ako para maging lingkod niya upang tipunin ang nangalat na mga Israelita, at sila'y ibalik sa bayang Israel. Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan, sa kanya nagbubuhat ang aking karangalan. Sinabi ng Panginoon sa akin: "Israel na aking lingkod, may mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo. Bukod sa pagpapanumbalik sa mga Israelitang nalabi ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa upang lahat sa daigdig ay maligtas."

Salmo: Awit 139:1-3. 13-14. 14-15

Tugon: Pinupuri kita, D’yos ko, 
            dahil ako’y nilikha mo!

Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, 
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman. 
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid, 
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip. 
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man, 
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman. 

Ang anumang aking sangkap, Ikaw O Diyos ang lumikha, 
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata. 
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, 
ang lahat ng gawain mo ay kahangahangang tunay. 

Lahat ito'y nakikintal, sa puso ko at loobin. 
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin, 
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin; 
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.

Ikalawang Pagbasa:  Gawa 13:22-26


Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo, "Nang si Saulo'y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa ating mga ninuno. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya, 'Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.' Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha't talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, 'Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.' 

Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan." 

Mabuting Balita: Lucas 1:57-66.80

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya. 

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya - gaya ng kanyang ama - ngunit sinabi ng kanyang ina, "Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya." "Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan," wika nila. Kaya't hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: "Juan ang kanyang pangalan." At namangha silang lahat. Pagdaka'y nakapagsalita siya, at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupa't naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: "Magiging ano kaya ang batang ito?" Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon. 

Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: