Instruments of Love


Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
24 Hunyo 2018


Short version ng isang kuwentong narinig ko sa isang panayam:

Isang world-renowned surgeon ang nagbakasyon patungo sa isang probinsya sa Pilipinas. Sumakay siya ng bus. Sa isang liblib na lugar, naaksidente ang bus na kanyang sinasakyan. Marami ang nasugatan. Marami ang naging kritikal ang lagay. Halos mamatay ang marami. Malayo ang ospital at bihira ang mga dumaraang sasakyan.

Himalang mga galos lamang ang tinamo ng surgeon. Kung iisipin puwede n'yang tulungan ang mga nasugatan. Pati ang mga nag-aagaw-buhay. Pero may problema siya. Natanong n'ya ang sarili nya: "Nasaan ang mga instrumento ko ng paggagamot ngayong marami ang nangangailangan ng aking tulong?"

Ito rin ang laging tanong ng Diyos, "nasaan ang mga instrumento ng aking pag-ibig?"

Sa Linggong ito, ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni San Juan Bautista. Idalangin nating matularan natin siya sa kanyang kababaang-loob at pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Si San Juan Bautista ay naging isang ganap na instrumento ng pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Naging instrumento siya sa paggaling ng mga sugatang kaluluwa nang binyagan niya sa tubig ang marami sa mga makasalanang Hudyo. Hinimok niya ang mga nakinig sa kanyang mga turo na tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Diyos.

Inihanda niya ang daraanan ng Panginoong Hesus. Katunayan, ilan sa kanyang mga tagasunod ay naging alagad ni Hesus. 

Subalit sa kabila ng lahat, nanatiling mababa ang kanyang kalooban. Tinuran niya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” (Juan 1:26-27)

Sa panahong ito na maraming nangangailangan ng kagalingan at kaginhawahang tanging sa Diyos lamang masusumpungan, kailangan ng mundo natin ng maraming katulad ni San Juan Bautista. Mga taong nakahandang magsakripisyo para matupad ang planong pagliligtas ng Diyos. Mga taong handang maging instrumento ng pag-ibig ng Diyos.

Ikaw, instrumento ka ba ng walang hanggang pag-ibig Niya?

Panalangin:

Aming Ama, bukal ng dakilang pag-ibig, pagpapatawad at kagalingan, sinasamba at niluluwalhati Ka po naming lagi sa pamamagitan ni HesuKristong aming Panginoon.

Gawin Mo po kaming katulad ni San Juan Bautista. Sa gabay ng Banal na Espiritu, matularan po sana namin ang kanyang mapagkumbabang paglilingkod. Katulad po niya, maging matatag din po sana kami sa harap ng mga pagsubok. Kamtin po sana namin ang katatagan ng pananampalatayang namatay sa kanyang sarili at nabubuhay sa kalooban Mo.

Ama, hindi po kami karapat-dapat subalit sa kaligtasang kaloob ni HesuKristo, idinadalangin namin ang lahat ng ito. Sa Pangalan ni Hesus. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: