Ang Maliit Na Simbahang Sinusubok

07 Oktubre 2012
Ika-27 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Ebanghelyo: Marcos 10:2-16


Walang Hanggan
Wency Cornejo & Cookie Chua

Wedding song naming mag-asawa ang "Walang Hanggan". Hindi ko maiwasang alalahanin ang araw ng kasal namin kapag naririnig ko ang kantang ito. Para bang bumabalik sa 'kin ang mga kilig moments naming mag-asawa. Sabi nga ng mga kabataan, parang PBB teens.

Ang Sakramento ng Kasal ang dapat na simula ng buhay-may-asawa at ng pag-usbong ng maliit na simbahang tinatawag na "pamilya". Sa nasabing sakramento, nangangako sa harap ng Diyos at ng tao ang isang lalaki at isang babae na sila'y magsasama sa habambuhay-- sa hirap man o ginhawa, sa kalusugan man o sakit, sa kayamanan man o kasalatan. Isang sakramentong para sa ila'y nagsisimula sa papel. Sa papel din ba ito nagtatapos?

Ano nga ba ang mangyayari kapag tapos na ang kasal? Kapag tapos na  ang kilig moments? Paano kapag nakabalik na ang ikinasal sa realidad? Kapag nariyan na ang mga problema? Ang mga pag-aaway dahil sa napakaraming differences? (Sabi nga, dati para kayong kambal-tukong ni hindi mapaghiwalay pero ngayo'y parang mga aso't pusang laging nag-aaway.)

Paghihiwalay ang solusyon ng marami sa 'tin. Diborsyo naman ang para sa mga Hudyo at sa ilan nating mga mambabatas-- mabuti na nga lamang at kinukonsidera nang "patay" ang bill dito (pindutin dito para sa balita ukol dito) . At annulment para sa mayayaman nating mga kababayan. Pagtakas. Ito ang pinakamadaling solusyon para sa nakararami sa atin. Ang pagtakas sa problema at sa kanilang mala-impyernong buhay.

Subalit sa ebanghelyo natin sa linggong ito, pinaaalalahanan tayo ng Panginoong HesuKristo sa kasagraduah ng kasal at sa mga responsibilidad na kalakip nito. Malinaw Niyang sinabing "ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman". At idinagdag pa Niyang ang sinumang makipagdiborsyo at mag-asawa ng iba ay nagkakasala. Paalala na lamang ang mga salitang ito. Matagal na natin 'tong narinig. Pero katulad ng mga Hudyo, sadya lamang talagang matitigas ang ating mga ulo.

Pagtibayin sana ng mga mag-asawa ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagharap sa kanilang mga problema. Isa sa pinakamabuting paraan ay ang pag-uusap kasama ang muling pag-alaala sa kanilang mga marriage vows. Paghilumin nawa ang mga sugat ng kahapon sa tulong ni Kristo sapagkat hindi titibay ang kanilang kaisahan kung wala sa gitna nila ang Diyos na tunay na bukal ng pag-ibig.

Song of Ruth
(Song of Fidelity)
 
Sa ikalawang bahagi ng ating ebanghelyo, hinihikayat ni Hesus ang kanyang mga alagad na hayaang lumapit sa Kanya ang mga bata. Para bang pinaaalalahanan Niya ang mga magulang na ilapit sa Kanya at sa Kanyang simbahan ang kanilang mga anak. Simula sa pagbibinyag sa sanggol, niyayakap ng mga magulang at ng mga ninong at ninang ang tungkuling maging mga unang katekista ng bata. Mula sa pagtuturo ng mga pang-araw-araw na mga dasal hanggang sa paghubog sa bata bilang isang taong may takot at pagsamba sa Diyos.

At sa kabila ng pagiging walang muwang ng isang bata, marami tayong matutuhan sa kanya. Ang kanyang kasimplehan, ang taos niyang pagtitiwala at tunay na pagmamahal. Ang mga katangiang ito ang kailangan natin upang magawa nating pumasok sa kaharian ang Diyos.

Ang diborsyo o anumang uri ng paghihiwalay ng mag-asawa ay banta sa katatagan ng pamilyang itinuturing nating maliit na simbahan kung saan hinuhubog hindi lamang ang mga anak kundi maging ang pagmamahalan ng mag-asawa sa isa't-isa. Sa bawat pamilya, magsikap sana tayong patatagin ang ating family ties. Gawin nating sentro si Hesus ng ating mga buhay.


Only Selfless Love 
(Fourth World Meeting of Families Theme Song)

Panalangin:
O aming Diyos Ama, patuloy ka po naming sinasamba at pinupuri kasama ng aming pamilya at sambayanan. Patuloy ka rin po naming pinasasalamatan sa mga biyayang aming natatanggap.

Patatagin po ninyo ang bawat pamilya. Gibain po ninyo ang mga pader na nasa pagitan ng bawat miyembro nito.

Sana protektahan namin ang isa't-isa laban sa mga bantang sumisira ng pamilya katulad ng Divorce, Euthanasia o mercy killng, Abortion, Total Contraception at Homosexual Marriages (DEATH). Bigyang lakas po Ninyo ang mga pinuno ng Simbahan at ng aming bayan upang magawa nilang labanan ang mga bantang ito.

Ang aming pamilya ay maging isa nawa kung paanong iisa ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: