14 Oktubre 2012
Basahin ang Ebanghelyo dito: Marcos 10:17-30
"Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos." (Marcos 10:25)
Ibig bang sabihin nito'y mas maraming mahihirap ang makapapasok sa kaharian ng Diyos kaysa sa mga mayayaman?
Sa ating ebanghelyo sa linggong ito, isang lalaki ang lumapit kay Hesus. Tinanong nito ang Panginoon kung ano pa ang kailangan nitong gawin upang magawa nitong sumunod sa Kanya. Buong pitagang ipinagmalaki ng lalaking sinusunod niya ang mga utos ng Diyos nang tanungin siya ni Hesus ukol dito. Isa na lang ang kulang niya ayon sa ating Panginoon:
"May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin." (Marcos 10:21)
Mabigat ang kahilingang iyon lalo na sa isang tulad niyang napakayaman. Ang kahulugan nito'y ang paglimot sa lahat ng kanyang mga pagsisikap sa kanyang buhay. Nangangahulugan din ito ng pagtalikod sa nakasanayan niyang buhay ng kaginhawahan habang napapaligiran ng mga alipin. Dahil dito'y umalis ang lalaki. Malungkot at nanlulumo.
Kung gusto ko palang maligtas, dapat ay ipagbili ko ang lahat ng aking ari-arian bukas at ipamigay sa mahihirap? Ito ba ang ibig sabihin ni Hesus?
Hindi. Kung susuriin nating mabuti ang Kanyang mga salita, posibleng sinabi lamang 'yon ni Hesus sa lalaki upang ipakita ritong hindi ito kasimbuti ng tulad ng iniisip nito. May mali sa mayamang lalaki. Oo, sinusunod nito ang mga utos ng Diyos pero ito ay bunsod lamang ng obligasyon. Dahil sa pagsunod ng lalaki sa mga ito ay wala siyang nagagawang masama-- ang tanong, may ginagawa ba siyang mabuti?
Ang dalawang pinakadakilang utos ay ang "ibigin mo ang Diyos ng higit sa lahat" at "ibigin mo ang iyong kapwa ng tulad ng iyong sarili" (Matthew 22:37-40). Pag-ibig ang kulang sa lalaki. Hindi niya kayang angkining iniibig niya ang Diyos ng higit sa lahat dahil hindi niya maiwan ang kanyang kayamanan at kaginhawahan kapalit ng pagsunod kay Hesus. At kung ang Diyos nga na nagkaloob ng lahat ng mga bagay sa kanya ay hindi niya magawang ibigin ng higit sa kanyang kayamanan, ang kapwa pa kaya niya?
Sa isa pang tingin, sinabi ni Hesus na mahirap para sa isang mayaman ang mapabilang sa mga maliligtas pero hindi naman niya sinabing madali para sa mga mahihirap. Kung gayon, ano ang kailangan nating gawin upang magawa nating sumunod kay Hesus?
Malinaw ang sinabi ni Hesus sa mga naunang naratibo ng ating ebanghelyo:
"Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin." (Marcos 8:34)
Pagsunod na may pasang krus. Pagsunod na may halong pagsasakripisyo. Ng pakikihati sa paghihirap na dinanas ni Hesus sa Kalbaryo at sa paghihirap na dinaranas ng kapwang patuloy na naghihirap. Pagsunod na may pagtatakwil sa sarili. Hindi pagsunod dahil gustong maging "guwapo" sa harap ng iba o dahil gustong sumikat.
Sa madaling sabi, pagsunod ng may pagmamahal sa Diyos, sa kapwa at sa sarili. Kasama dito ang sarili dahil kailangan ding makita sa isang lingkod ang paggalang sa kanyang katawang templo ng Diyos (Corinto 6:12-20).
"Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos." (Marcos 10:27)
Ang kaligtasan o ang mapabilang sa pinaghaharian ng Diyos ay hindi lamang dahil sa ating kabutihan o mga gawa. Ito ay dahil sa kabutihan ng Diyos. Isa itong grasyang nagmumula sa Kanya-- sa kaligtasang inaalok ng pagkamatay at muing pagkabuhay ni Hesus.
Madali tayong tumiklop kapag inuusig na tayo ng mundo. Kapag tinalikuran na tayo ng mga mahal natin sa buhay at mga kaibigan. Paano nga ba nagawa ng isang San Lorenzo Ruiz o ng isang Beato Pedro Calungsod na ialay ang kanilang buhay para sa kanilang pananampalataya? O magawang talikuran ng isang San Francisco de Assisi o ng isang San Antonio de Padua ang marangyang buhay para ibahagi sa iba ang ebanghelyo? O magawang paglingkuran ng isang Mother Teresa ang mga estrangherong pinandidirihan ng mundo?
Grasya ng Diyos. Pag-ibig. Buhay-panalanging nag-uugat at nagpapalalim sa isang pananampalatayang may kasamang gawa. Ang mga ito ay kailangan natin upang magawa nating sumunod kay Hesus -- mayaman man tayo o mahirap.
Lord, I Offer My Life To You
(Hillsong)
Panalangin:
O aming Amang pinagmumulan ng lahat ng nasa amin ngayon, patuloy Ka naming sinasamba at niluluwalhati. Iyo ang lahat ng ito at muli naming ibinabalik sa Iyo.
Loobin po Ninyong masunod namin ang Iyong kalooban habang ginagawa namin ang aming mga tungkulin sa aming pamilya, sa eskuwelahan o sa trabaho.
Ikaw ang aming lakas. Wala kaming magagawang kabutihan kung hindi Mo kami papatnubayan. Ipadala Mo po sa amin ang Iyong Banal na Espiritung tagapagkaloob ng grasyang bumubukal mula sa Iyong pusong umiibig sa amin.
Walang pong imposible kung Iyong loloobin. Gawin Mo pong posible ang lahat ng ito sa Ngalan ng aming Panginoong HesuKristo kasama ng Espiritu Santo, kapiling namin noon, ngayon at magpakailanman. Amen.
Paghahandog ng Sarili
(Bukas Palad)